PBBM Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. Source: PCO file photo

PBBM: Patuloy ang gobyerno sa pagbibigay serbisyo sa mamamayan

312 Views

SINABI ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Biyernes na patuloy na inuuna ng gobyerno ang pagtugon sa mga pangangailangan ng mga Pilipino sa kabila ng mga kasalukuyang hamon.

“Sa kabila ng mga hamon na kinakaharap ng bansa, nananatiling nakatuon ang pamahalaan sa aming mandato at tungkuling maglingkod ng tapat,” pahayag ni Pangulong Marcos sa pamamahagi ng mga titulo ng lupa at tulong pinansyal para sa mga magsasaka na ginanap sa Lungsod ng San Fernando, Pampanga.

Sinabi rin ng Pangulo na ang gobyerno ay nakatuon sa pagsasaayos ng mga proseso na pumipigil sa pag-unlad ng bansa.

“Makakaasa kayo na inaayos at itinutuwid ang mga prosesong nagpapabagal at nakakaabala sa ating pag-unlad,” ani Pangulong Marcos. “Ang lahat ng ito ay isinusulong namin upang pangalagaan ang karapatan ng bawat Pilipino.”

Hinimok ng Pangulo ang mga Pilipino na magkaisa at tulungan ang administrasyon sa pagpapatupad ng mga reporma para sa isang mas maginhawa at makatarungang lipunan.

“Hinihikayat ko ang lahat na ipamalas natin ang pagiging Bagong Pilipino―responsable, may malasakit, at magkakatuwang sa tunay na pagbabago. Magtulungan tayong isulong ang isang mas maunlad at makatarungang lipunan,” sabi ni Pangulong Marcos.

Pinangunahan ni Pangulong Marcos ang mga ahensya ng gobyerno, kabilang ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Social Welfare and Development (DSWD), sa pamamahagi ng mga titulo at pinansyal na tulong.

Ayon sa Pangulo, nagbigay ang DENR ng mga agricultural at residential free patents at special patents sa 455 benepisyaryo mula sa Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Cordillera Administrative Region at Metro Manila, pati na rin mga deed of sale sa 65 benepisyaryo mula sa Lungsod ng Taguig.

Namahagi naman ang DSWD ng P10,000 na cash assistance habang ang lokal na pamahalaan ng Pampanga ay nagbigay ng family food packs sa 2,970 benepisyaryong mga magsasaka.

PCO