Chinese

Bi dineport sandamakmak na arestadong illegal POGO workers

Jun I Legaspi Sep 19, 2025
360 Views

SA direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na paigtingin ang kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na operasyon ng offshore gaming, ipina-deport ng Bureau of Immigration (BI) noong Biyernes ang mga Chinese national na nahuli sa mga bawal ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) hubs.

Lumipad patungong China ang mga Chinese sakay ng Philippine Airlines noong Setyembre 19.

Ayon sa BI, kabilang ang mga deportado sa mga Chinese national na naunang inaresto sa magkakahiwalay na operasyon ng inter-agency task force, katuwang ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), laban sa mga ilegal na POGO sa Pasay at Parañaque gayundin sa mga operasyon ng pagmimina sa Homonhon.

Nilinaw ng ahensya na may ilang banyagang indibidwal pa ring nasa kustodiya ng pamahalaan dahil sa mga nakabinbing kaso sa korte at iba pang legal na usapin.

Binigyang-diin ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang matatag na paninindigan ng pamahalaan laban sa mga ilegal na manggagawa.

“Naninindigan kami sa mahigpit na pagpapatupad ng ating mga batas sa imigrasyon. Ang mga umaabuso sa kanilang pananatili sa Pilipinas at nasasangkot sa mga ilegal na gawain ay haharap sa kaukulang aksyon,” ayon sa BI chief.

Pinangunahan ng Deportation and Implementation Unit (DIU) ng BI sa ilalim ni Chief Atty. Alexi Val Arciaga ang deportasyon sa pakikipag-ugnayan sa mga ahensyang nagpapatupad ng batas.

Tiniyak ng BI na patuloy itong makikipagtulungan sa mga kaukulang ahensya upang maisakatuparan ang direktiba ng administrasyon laban sa ilegal na POGO operations.