Yang Iniharap ni Brig. Gen. Bernard Yang, hepe ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (ACG), nitong Biyernes sa mga mamamahayag ang lalaking inaresto sa Batangas dahil sa banta nitong magpapasabog sa punong tanggapan ng ACG. PNA photo ni Lloyd Caliwan

Kelot na nagpadala ng bomb threat online sa PNP-ACG huli

330 Views

INARESTO ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP ACG) ang isang 40-anyos na lalaki sa Batangas dahil sa banta nitong magpapasabog sa punong tanggapan ng PNP-ACG.

Sa isang press briefing sa Camp Crame, sinabi ni ACG Chief Brig. Gen. Bernard Yang na inaresto ang suspek na si “Harvey” noong Setyembre 10 sa pamamagitan ng warrant na inilabas ng Batangas City Regional Trial Court.

Natanggap ng ACG ang banta ng bomba noong Marso 4 sa pamamagitan ng isang online messaging app.

Ayon kay Yang, sinubukan ng ACG na hanapin ang suspek ngunit gumagamit umano ito ng tatlong magkaibang social media accounts upang makaiwas sa pag-aresto.

“Siguro, sinubukan niya lang kung talagang kaya ni Anti-Cybercrime Group na ma-locate siya, ma-identify siya. Doon sa pagtatanong natin, mayroon (siyang) nakakaaway. Mayroong mga hinahabol na may kutsilyo siya,” ani Yang.

Mga rally sa Setyembre 21

Samantala, sinabi ni Yang na patuloy na mino-monitor ng PNP-ACG ang mga online na post na may kaugnayan sa mga protesta laban sa korupsiyon sa Setyembre 21.

Ayon sa kanya, wala namang problema sa mga post na nag-aanyaya sa mga tao na sumali sa rally, ngunit ibang usapan na kung ito ay nagiging labag na sa batas.

“Basta nagbo-borderline na tayo doon sa paglabag ng batas, doon tayo nagsasagawa ng imbestigasyon at ma-identify itong mga nagpo-post na ito,” pahayag ni Yang sa mga mamamahayag.

“Patuloy naman tayo na nagsasagawa ng pakiusap sa ating mga kababayan na ‘yung legal lang ang dapat gawin natin dito online,” dagdag niya.

Sinabi naman ni Maj. Gen. Anthony Aberin, hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO), na handa ang mga tauhan ng NCRPO na magpatupad ng mga hakbang para sa kaayusan at kapayapaan kung magiging marahas ang mga protesta.

“We are very ready po. Kahit anong grupo pa sumali, ang NCRPO ay naka-monitor sa sitwasyon,” aniya sa isang text message.

Idinagdag din ni Aberin na bukod sa pag-deploy ng mga Civil Disturbance Management Units, naghanda na rin ang NCRPO ng komprehensibong plano sa seguridad para sa mga rally.

Noong una, nag-utos si acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. na mag-deploy ng mahigit 50,000 na tauhan sa buong bansa upang tiyakin ang seguridad sa mga rally.

Sa Metro Manila, mahigit 2,200 na mga Civil Disturbance Management teams ang ipinakalat ng NCRPO, pati na rin ang 300 ready standby support force at 42 drone operators.

Hinimok din ni Aberin ang mga Pilipino na maging maingat at mag-ingat sa pagsali sa mga ganitong kaganapan dahil ang kalayaan sa pagpapahayag ay hindi walang hanggan.

Gayunman, tiniyak ng NCRPO na “maximum tolerance” ang ipatutupad sa mga nagpoprotesta.  Philippine News Agency