Calendar
Source: PNA
Lacson: Na kay Brice ang resibo
Naghihintay si Senate President Pro Tempore at Blue Ribbon Committee Chairman Panfilo “Ping” M. Lacson ng mga “resibo” o ebidensya ng umano’y komisyon na natanggap nina Senators Joel Villanueva at Jinggoy Estrada mula sa flood control projects, matapos makumpirma ang multimillion-pisong budget insertions noong 2023 at 2025.
Ayon kay Lacson, ang mga resibo ay magsisilbing matibay na batayan para sa pagpapatibay ng anti-corruption at accountability measures, at maaari ring gamitin ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), Ombudsman, o Department of Justice para sa posibleng kaso.
Sa magkahiwalay na panayam sa radyo at telebisyon nitong Biyernes, sinabi ni Lacson na hihilingin niya kay Senate President Vicente Sotto III na payagan ang dating DPWH engineer na si Brice Hernandez na makalabas ng Senado sa ilalim ng escort. Si Hernandez ang nagbigay ng pahayag na ang dalawang senador at isang kongresista umano’y nakatanggap ng 30 porsyentong komisyon mula sa mga proyekto.
“Kailangan natin ng malinaw na resibo kung gagawa kami ng rekomendasyon o ipapasa ang ebidensya sa ICI, para patunayan ang sinasabi ni Hernandez na nagbigay siya ng 30 percent commission sa dalawang senador,” pahayag ni Lacson sa DZBB. “Kung may ledger o katibayan, ipakita niya. Nasa kanya ang burden of proof.”
Sinabi rin ni Lacson na naghahanda siya ng sulat kay Sotto upang payagan si Hernandez na makalabas mula alas-6 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi sa Sabado o Linggo para maghanap ng mga dokumento na makatutulong sa imbestigasyon ng Blue Ribbon. “Kung walang maipakitang dokumento si Hernandez, mananatiling alegasyon ang kanyang sinasabi. Pero kung may maipresenta siya sa Monday o sa susunod na hearing, maaari naming i-recommend na kasuhan ang aming dalawang colleagues sa ICI o Ombudsman,” dagdag niya sa Balitanghali.
Sa pagdinig ng Blue Ribbon nitong Huwebes, kinumpirma ni Lacson na may P600 milyon para sa flood control projects sa Bulacan na nakalagay sa Unprogrammed Fund ng 2023 General Appropriations Act. Natuklasan ito ng staff ni Lacson matapos repasuhin ang dokumentong ibinigay ni Sen. Sherwin Gatchalian. Iniuugnay ni Hernandez ang pondo kay Villanueva, na itinanggi ang akusasyon.
Dagdag pa ni Lacson, natukoy rin ng kanyang grupo ang walong item na tig-P75 milyon bawat isa, na nagpatibay sa alegasyon ni Hernandez. Nakita rin ng opisina niya ang P355 milyon na nakalaan para sa mga proyekto sa Bulacan sa 2025 budget, na iniuugnay naman kay Estrada. Mariing itinanggi rin ni Estrada ang paratang.
Ayon kay Lacson, ang P355 milyon ay para sa pitong proyekto sa Bulacan. “May pondong inilabas para sa Phase 3, pero nasa Phase 1 pa lang ang aktwal na konstruksyon,” aniya.
Nang tanungin kung maaaring maging state witness si Hernandez, sinabi ni Lacson na DOJ ang dapat magdesisyon dito.
Giit pa ni Lacson, siya at si Sotto ay nasa “sagasa mode” na ngayon. “Napag-usapan namin ni Senate President ito. Sa puntong ito ng aming political career, sagasa na kami—basta may ebidensya, walang sasantuhin,” pahayag niya sa DZRH.
Samantala, nanindigan naman sina Sens. Estrada at Villanueva na walang basehan at walang katotohanan ang mga akusasyon laban sa kanila. Sinabi ng mga ito na pawang gawa gawa lamang at kathang isip ang mga akusasyon na ito na ang target ay upang dumihan ang kanilang pagkatao at malinis na pangalan. Hinamon din ng dalawang senador ang mga ito na maglabas ng konkretong ebidensiya na mag uugnay sa kanila sa sinasabi ghost project sa flood control kung saan ay kumpiyansa nilang sinabing hindi sila magpapatinag sa mga paninirang puri ng mga ito.
