LTO kinansela driver’s license ng 2 DPWH officials

Jun I Legaspi Sep 20, 2025
273 Views

IPINAG-utos ng Land Transportation Office (LTO), sa liderato ni acting Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Z. Lopez, ang pagkansela ng lisensya ng dalawa pang kawani ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na iniimbestigahan kaugnay ng umano’y anomalya sa mga flood control projects.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, pinagmulta ng tig-P3,000 dahil sa imitation and false representation sa ilalim ng LTO Code sina Jaypee de Leon Mendoza at Arjay Salvador Domasig.

“Kalakip ng parusang ito ang habambuhay na diskwalipikasyon sa pagkuha ng anumang uri ng driver’s license,” ani Asec. Mendoza.

Naglabas ang LTO ng show cause orders laban kina Mendoza at Domasig matapos ang paglalantad ni Sen. Panfilo Lacson na diumano’y gumamit ang dalawa ng pekeng driver’s license upang makapasok sa mga casino.

Lumabas na ginamit ni Mendoza ang lisensya na may larawan niya ngunit nakapangalan kay “Peejay Castro Asuncion,” habang si Domasig naman ay gumamit ng lisensyang nakapangalan kay “Sandro Bernardo Park.”

Gayunman, base sa rekord ng LTO, parehong may hawak ng valid na lisensya sa kanilang tunay na pangalan ang dalawa.

Sa isinagawang pagdinig, itinanggi ng dalawa na sila mismo ang nag-apply para sa pekeng lisensya, ngunit inamin ni Domasig na may kumuha ng kanyang ID at larawan nang minsang bumisita siya sa casino kasama ang apat pang opisyal ng DPWH.

Sa kanilang tugon sa LTO, kinumpirma ng pamunuan ng isa sa mga casino na ang dalawa ay kabilang sa kanilang Reward Circle sa ilalim ng mga pangalang nakasaad sa pekeng lisensya.

Binigyang-diin ni Asec. Mendoza na ang paggamit ng pekeng driver’s license ng dalawa ay malinaw na paglabag at tahasang pagpapalsipika ng kanilang pagkakakilanlan—isang pagtataksil sa tiwalang kalakip ng pribilehiyong magmaneho.

“Ang mga gawaing ito ay malinaw na nagpapakita na sila ay hindi karapat-dapat at hindi moral na angkop na pagkatiwalaan ng pribilehiyo ng pagmamaneho sa pampublikong kalsada,” dagdag pa niya.

Ang mga lisensya nina Mendoza at Domasig ay inilagay na rin sa ilalim ng alarm.