Calendar
Palasyo, pinaikli oras ng trabaho ng gobyerno sa Setyembre 22
INANUNSYO ng Malacañang na suspendido ang trabaho sa mga opisina ng gobyerno sa ilalim ng Executive Branch simula 1:00 ng hapon sa Lunes, Setyembre 22, bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-33 taon ng National Family Week.
Sa ilalim ng Memorandum Circular (MC) Blg. 96 na inilabas noong Biyernes, pinaikli ang oras ng trabaho ng gobyerno sa Setyembre 22 upang mabigyan ng pagkakataon ang mga empleyado na ipagdiwang ang taunang Family Week at ang “Kainang Pamilya Mahalaga” Day.
Ang huling linggo ng Setyembre bawat taon ay idineklarang Family Week sa ilalim ng Proklamasyon Blg. 60 (s. 1992), samantalang ang ika-apat na Lunes ng Setyembre ng bawat taon ay idineklarang “Kainang Pamilya Mahalaga” Day sa ilalim ng Proklamasyon Blg. 326 (s. 2012).
“Hinihikayat din ng Opisina na lubos na suportahan ng lahat ng kawani ng gobyerno sa Executive branch ang mga programa at aktibidad kaugnay ng pagdiriwang ng Family Week, na inorganisa ng National Committee on the Filipino Family,” ayon sa MC Blg. 96 na inilabas ni Executive Secretary Lucas P. Bersamin.
Gayunpaman, ang pinaikling oras ng trabaho ng gobyerno sa Setyembre 22 ay hindi ipatutupad sa mga ahensya na may kinalaman sa paghahatid ng mga pangunahing serbisyo, serbisyong pangkalusugan, paghahanda/ pagtugon sa mga kalamidad, at iba pang mahahalagang serbisyo, dahil magpapatuloy ang kanilang operasyon at magbibigay ng kinakailangang serbisyo.
Hinimok din ng Palasyo ang suspensyon ng trabaho sa iba pang sangay ng gobyerno at sa pribadong sektor upang bigyan ng buong pagkakataon ang mga pamilyang Pilipino na ipagdiwang ang ika-33 na National Family Week.
“Ang suspensyon ng trabaho sa ibang sangay ng gobyerno, mga independent commission o katawan, at pribadong sektor ay hinihikayat din upang mabigyan ng buong pagkakataon ang lahat ng pamilyang Pilipino na ipagdiwang ang ika-33 National Family Week,” sabi ng Malacañang.
Ang taunang pagdiriwang ng Family Week ay naglalayong “palakasin ang pagkakaisa sa pamilya” at “siguruhing magkaroon ng pambansang kamalayan ukol sa kahalagahan ng pamilya,” ayon sa Proklamasyon Blg. 60 (s. 1992).
Samantala, ang pagdiriwang ng “Kainang Pamilya Mahalaga” Day ay nagbibigay-diin sa “halaga ng mga pamilya na nagsasalo ng pagkain bilang isang pambansang tradisyon.”
“Isa sa mga makulay na tradisyon ng mga Pilipino ay ang pagsasalo ng pamilya sa pagkain kung saan ang lahat ng miyembro ng pamilya ay naroroon bilang tanda ng kanilang pagkakaisa at pasasalamat sa mga biyayang ipinagkaloob ng Diyos,” ayon sa Proklamasyon Blg. 326 (s. 2012).
“Ang pagkakaroon ng sama-samang pagkain ay nakakatulong sa mga magulang na manatiling konektado sa kanilang mga anak at maunawaan ang mga hamon na kanilang kinakaharap,” dagdag pa ng proklamasyon.

