DHSUD

Shelter clusters inihanda ng DHSUD para sa epekto ng mga bagyong ‘Mirasol’, ‘Nando’

Jun I Legaspi Sep 21, 2025
430 Views

INATASAN ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang mga shelter cluster sa Hilagang at Gitnang Luzon upang tiyakin ang kahandaan sa posibleng epekto ng Habagat at mga Bagyong “Mirasol” at “Nando.”

Ayon kay DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling, layunin ng hakbang na ito na mapanatili ang maagap na pagtugon ng mga Regional Office ng ahensya, upang maiparating agad ang tulong sa mga pamilyang maaapektuhan sa oras ng pangangailangan.

“Alinsunod sa utos ng ating Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sisiguraduhin po natin ang ating kahandaan upang agarang makarating ang tulong sa ating mga kababayan sa oras ng pangangailangan,” pahayag ni Secretary Aliling.

“Handa ang DHSUD na magbigay ng emergency response at humanitarian assistance kung kinakailangan. Ang layunin po natin ay mabilisang pagkilos upang tulungan ang mga maaring mabiktima ng kalamidad,” dagdag pa niya.

Noong Sabado, naglabas ng memorandum si DHSUD Assistant Secretary for Disaster Hernando Caraig Jr. na nag-uutos sa mga Regional Office ng DHSUD sa Regions 1, 2, 3, 4A, 4B, 5, at Cordillera Administrative Region na i-activate ang kani-kanilang shelter clusters. Ang direktibang ito ay alinsunod sa Memorandum No. 247, series of 2025 ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Bilang itinalagang pinuno ng Shelter Cluster ng pambansang pamahalaan, ginagampanan ng DHSUD ang tungkulin nito batay sa NDRRMC Memorandum 01-2022.

Matatandaang noong 2023, inilunsad ng DHSUD ang Integrated Disaster Shelter Assistance Program (IDSAP) na nagbibigay ng walang kondisyong tulong-pinansyal sa mga pamilyang nawalan o nasira ang tahanan dulot ng kalamidad—likas man o gawa ng tao.

Bukod sa IDSAP, namahagi rin ang DHSUD ng Housing Materials and Essentials (HOMEs) bilang agarang tulong sa mga apektadong pamilya.