Calendar
Pagpili kay Speaker Bojie Dy di political tactic — Garin
BINIGYANG DIIN ni House Deputy Speaker at Iloilo City 1st District Representative Janette L. Garin na hindi umano isang “political tactic” ang pagpili nina President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. at Leyte 1st District Representative Ferdinand Martin Gomez Romualdez kay House Deputy Speaker at Isabela 6th District Representative Faustino “Bojie” Dy III bilang bagong House Speaker.
Sinabi ng House Deputy Speaker na hindi aniya personal na desisyon nina Pangulong Marcos, Jr. at dating Speaker Romualdez ang pagpili kay Dy III para pamunuan ang Kamara de Representantes.
Paglilinaw ni Garin na ang pagpili kay Speaker Dy III o ang pagpapalit ng bagong mamumuno sa Mababang Kapulungan ay masusing pinag-usapan ng lahat ng mga miyembro ng Kamara kasama na ang mga kongresista na na nauna ng nagpahayag ng kanilang kagustuhan na maging susunod na House Speaker.
Muling pagbibigay diin ng Iloilo lady solon na napakaraming kongresista ang gustong maging House Speaker subalit sa kalaunan ay napagdesisyunan ng mayorya na kumuha o pumili na lamang ng isang kandidato na walang maraming ambisyon kung saan ito ay tumutugma kay Dy III.
“Ang daming interesado at ang daming may gustong maging House Speaker. Dito naisip ng karamihan na bakit hindi na lamang kumuha ng isang kandidato na hindi interesado at walang masyadong ambisyong politikal at ito nga ay si Cong. Dy III,” sabi ni Garin.
Kasabay nito, sinabi naman ni dating Surigao del Norte 2nd District Representative Robert Ace S. Barbers na kahanga-hanga ang ipinakitang kagitingan ni dating Speaker Martin G. Romualdez dahil sa kaniyang boluntaryong pagbibitiw para maprotektahan ang integridad ng Kamara de Representantes.

