Pic1

Pagtatatag ng BOC ng task force para tutukan mga balikbayan boxes pinapurihan

Mar Rodriguez Sep 21, 2025
353 Views

Pic2Pic3PINAPURIHAN ng OFW Party List Group ang naging inisyatiba ng Bureau of Customs (BOC) na bumuo ng isang task force na ang magiging pangunahing tungkulin ay tutukan ang mga problema sa mga ipinapadala at nawawalang balikbayan boxes ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs).

Sinabi ni dating OFW Party List Representative Marissa “Del Mar” P. Magsino (19th Congress) na napapanahon ang naging pagkilos ng BOC sapagkat tiyak na dadagsa ang napakaraming cargo ng balikbayan boxes na ipapadala ng mga OFWs sa pagpasok ng Holiday season.

Muling iginiit ni Magsino na ang ipinapadalang balikbayan boxes ng mga OFWs ay katas ng kanilang pinaghirapan, pagmamahal sa kanilang pamilya at malaking sakripisyo sa pagta-trabaho sa ibayong dagat kaya nararapat lamang na ang mga balikbayan boxes ay maingatan at huwag hayaan na pagsamantalahan ng mga kawatan.

Pagbibigay diin pa ni Magsino na saktong sakto ang pagkakatatag sa task force ng BOC upang mabawasan ang pagkaantala at masigurong matatanggap ng pamilya ng mga OFWs ang mga ipinapadala nilang balikbayan boxes dito sa Pilipinas.

Idinagdag pa ng dating kongresista na dapat tiyakin din ng pamunuan ng BOC na hindi lamang mapaparusahan ang mga abusado at tiwaling forwarders. Bagkos, dapat silang ma-blacklist sapagkat ang bawat balikbayan boxes ng mga OFWs ay simbolo ng kanilang paghihirap, dugo at pawis nilang pinaghirapan.

Ikinalulungkot ni Magsino na ito ang hindi nakikita ng mga abusadong forwarders kaya may mga balikbayan boxes ang hinahayaan na lamang mabulok sa mga bodega hanggang sa ma-expire na lamang at hindi mapakinabangan ang laman ng mga masabing kahon.

Samantala, nagpaabotng pasasalamat kay Magsino ang pamilya ng mga OFWs na natulungan nito. Isa na rito si Merly Bartolome Carillo ng Camarin Caloocan City.

Ito ay matapos na mabigyan siya ni Magsino ng wheelchair kasama na ang iba pang suporta at tulong.

Ipinahayag ni Magsino ang kaniyang taos pusong pasasalamat sa Department of Health (DOH) dahil sa tulong na naipapagkakaloob nito para sa mga indigent na kamag-anak at mahal sa buhay ng mga OFWs.