Calendar
Zero billing para sa mga kamote riders leksiyon para sa mga riders na walang ingat
PARA kay 1-TAHANAN Party List Representative Nathaniel “Atty. Nats” M. Oducado, ang naging anunsiyo ng Department of Health (DOH) para sa mga “kamote riders” ay magsisilbing babala upang mas lalo silang mag-ingat sa kanilang padaskol-padaskol at walang pakundangang pagmamaneho na nauuwi sa aksidente.
Nauna dito, inanunsiyo ni Health Department Sec. Ted Herbosa na ang mga motoristang maa-admit sa mga ospital na nasa ilalim ng DOH bunsod ng paglabag sa batas trapiko ay hindi makikinabang sa “zero balance billing policy” ng pamahalaan.
Inihayag pa ng DOH na kasama sa mga binabanggit nitong aksidente ay ang hindi pagsusuot ng helmet, hindi pagsusuot ng seatbelt at ang mga nagmamaneho ng lasing.
Dahil dito, sinabi ni Oducado na magsisilbing babala at isang malinaw na mensahe ang ibinigay na anunsiyo ng DOH para sa mga tinaguriang kamote riders na walang pakundangan sa kanilang pagmamaneho kung saan ang ilan sa kanila ay mistulang hindi natatakot sa aksidente dahil sa kabila ng pagiging “accident prone” ng motorsiklo ay hindi parin sila nag-iingat sa pagmo-motor.
Pagbibigay diin ni Oducado na marahil ay nakikiisa lamang ang Health Department sa kampanya ng pamahalaan upang maging ligtas ang mga lansangan laban sa walang ingat na pagmamaneho ng tinatawag na mga kamote riders kung saan dinadamay pa nila ang ilang motorista na sinisikap umiwas sa aksidente.
Ipinaliwanag ng kongresista na ang direktiba ng DOH ay para turuan ang mga motorcycle riders kasama na ang iba pang mga motorista na maging responsable sa kanilang pagmamaneho o kaya’y huwag maging barumbado sa lanasangan para maiwasan ang mga hindi kanais-nais na aksidente.
“Ang concern lamang ng DOH ay ang road safety. Ito ay ang maging ligtas sa aksidente ang ating mga lansangan. Nais lamang nilang turuan ang mga motorista na maging responsable sa kanilang pagmamaneho sa halip na maging barumbado,” sabi ni Oducado.

