Evacuation center Source: File photo

DILG iniutos na ang maagang evacuation sa madadaanan ni Super Typhoon Nando

376 Views

INATASAN ng Department of the Interior and Local Government (DILG) nitong Linggo ang lahat ng local government units (LGUs) na tinatayang nasa dadaanan ni Super Typhoon Nando na agad magsagawa ng preemptive evacuation upang mapangalagaan ang mga residente.

Sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na hindi dapat mag-aksaya ng oras ang mga LGU sa paglilikas ng mga pamilya mula sa mga lugar na maaaring tamaan ng storm surge, pagbaha at landslide.

“Lives are at stake. Preemptive evacuation is no longer an option – it is an obligation of government and a responsibility of communities,” ayon kay Remulla sa isang pahayag.

Hinimok niya ang pakikiisa ng mamamayan at pinaalalahanan ang mga pamilya sa mga bulnerableng lugar na sundin agad ang mga kautusan sa paglilikas.

Noong Sabado, naglabas ang ahensya ng abiso na nag-uutos sa mga LGU na ipatupad ang mga hakbang na pangunang pag-iingat gaya ng liquor ban, no-sail policy, paglilinis ng mga daluyan ng tubig at paghahanda ng mga evacuation center.

Dahil sa mas matinding banta, kailangang ipatupad agad ang mga direktibang ito, ani Remulla.

Inutusan ang mga LGU na tiyaking may kuryente, sapat na suplay at ligtas ang mga evacuation center para sa mga lilikas; na siguruhin ang kaligtasan ng mga kritikal na imprastruktura; at magbigay ng pagkain at humanitarian aid.

PNA