Calendar
DOH: 48 ginamot sa JRRMMC, 1 patay sa Mendiola rally
SA inilabas na report ng Department of Health (DOH), pumalo sa 48 katao ang dinala sa Jose R. Reyes Memorial Medical Center (JRRMMC) matapos magtamo ng mga sugat sa ginanap na rally noong Linggo sa Recto, Manila, kung saan nakisabay ang ilang hindi pa kilalang grupo sa kilos-protesta at nagkaroon ng komprontasyon laban sa pulisya.
Batay sa tala ng ospital, dalawang pulis ang nagtamo ng mga gasgas at pasa ngunit agad na nakalabas matapos gamutin. Kinumpirma rin ang pagkamatay ng isang hindi pa nakikilalang lalaki na idineklarang dead on arrival matapos tamaan ng saksak.
Anim pang pasyente ang nagtamo ng iba’t ibang pinsala kabilang ang sugat sa paa, eye trauma, head trauma, injury sa ugat ng kaliwang braso, tama ng bala at malubhang sugat sa braso. Apat sa kanila ay nakalabas na matapos magamot, habang dalawa ang nananatiling naka-confine para sa karagdagang gamutan.
Tiniyak naman ni Health Secretary Teodoro J. Herbosa na sakop ng Zero Balance Billing ang lahat ng pasyente.
“Tinitiyak ng DOH na sakop pa rin ng Zero Balance Billing ang mga pasyenteng ito, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na tiyakin ang maagap at dekalidad na serbisyong medikal para sa lahat ng Pilipino,” sinabi ni Herbosa.

