Rally Nagtagal ng halos dalawang oras na pinagbabato ng mga bote at malalaking tipak ng bato ng mga kabataan ang mga nagbabantay na pulis sa may tulay, bago natapos ang tensiyon nang magpasiya ang kapulisan na pagdadamputin ang mga kabataan makaraang dumating ang anti-riot police mula sa PNP NCRPO at MPD. Hindi bababa sa 25 kabataan ang kabilang umano sa mga nambato at nanggulo sa bahagi ng Ayala Bridge sa Maynila noong Linggo. Kuha ni JON-JON C. REYES

Hip-hop gangsters sa bayolenteng rallies nirecruit ng rapper

Alfred Dalizon Sep 22, 2025
446 Views

HIP-HOP gangsters mula sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila na sinasabing na-recruit online ng isang local rapper ang itinuturong nasa likod ng karahasan na nakunan sa video noong Linggo sa mga rally kontra korapsyon, kung saan 129 pulis at 76 sibilyan ang nasugatan, ayon sa tagapagsalita ng Manila Police District.

“Initially, there is this group of hip-hop gangsters influenced by a rapper. ‘Yun po ang account nila, na pinagsuot sila ng itim and later destroyed government and private properties,” ayon kay Major Philip Ines.

Sinabi ng opisyal na humingi na sila ng tulong mula sa Philippine National Police Anti-Cybercrime Group upang imbestigahan ang mga pahayag ng ilang inarestong marahas na nagpoprotesta na sila ay na-recruit lamang online ng hindi pinangalanang rapper.

“We’re looking at the involvement of the rapper. Nakita naman natin ang grupo ng mga kalalakihan na nakasuot ng black shirts, bonnets and ski mask na umaatake sa ating mga pulis,” sinabi ni Ines.

Gayunman, sinabi rin niya na iniimbestigahan nila ang iba pang posibleng sangkot sa pag-recruit ng mga bayolenteng nagprotesta, kabilang ang posibilidad na sila ay miyembro ng isang kilalang fraternity. Ayon sa Manila City Hall, tinitingnan din nila ang posibleng papel ng isang politiko sa insidente.

Kabuuang 113 katao ― 65 indibidwal at 48 menor de edad ― ang inaresto dahil sa kaguluhang dulot ng kanilang protesta sa Ayala Bridge, Chino Roces (dating Mendiola) Bridge at Claro M. Recto Avenue sa Manila.

Ayon kay Ines, 21 katao – 14 indibidwal at pitong menor de edad – ang inaresto sa Chino Roces Bridge; 51 katao, kabilang ang 13 menor de edad, sa paligid ng Ayala Bridge; at 41 katao – 13 indibidwal at 28 menor de edad – sa C. M. Recto.

Ayon kay Ines, dalawa sa mga menor de edad ay naihatid na sa Manila Department of Social Welfare and Development, habang ang iba ay isinasailalim sa proseso ng determination of discernment.

Kakasuhan ang mga suspek ng paglabag sa Batas Pambansa 880 o Public Assembly Act, illegal assembly, resistance and disobedience to a person in authority, direct assault, malicious mischief, serious physical injuries at arson.

“Actually, there was peaceful rally in Luneta pero itong group of individuals na naka-bonnet started the violence despite being told that we will respect their freedom of expression. Pinili nilang manakit, manira and manunog ng kagamitan ng pamahalaan at mga private indivduals,” ani Ines.

Sinabi ng opisyal na sinimulan ng mga marahas na nagpoprotesta ang pag-atake sa mga Civil Disturbance Management troops sa Ayala Boulevard kanto ng Romualdez Street, gamit ang pintura at mga plastik na lalagyan na may laman umanong likidong galing sa tao. Sinunog din ng grupo ang isang trailer truck na nakapuwesto sa gitna ng kalsada upang harangan ang hindi awtorisadong pagpasok, bago sinaktan ang mga anti-riot troops.

Sinabi ni Ines na wala pang impormasyon kung may nasawi sa insidente, at patuloy pa rin ang imbestigasyon sa lawak ng pinsala sa mga pampubliko at pribadong ari-arian.

“May sinunog silang container van, motorcycles ng pulis and private individuals, destroyed other establishments along the stretch of Recto including properties of a hotel and even an office of the District Mobile Force Battalion before ransacking the place,” pahayag ni Ines.

Ayon sa staff ng hotel, nawalan sila ng mga cellphone at iba pang ari-arian dahil sa kaguluhan.

Sinabi ni Ines na walang naitalang putukan ngunit nagbato ng mga Molotov cocktail ang ilang nagpoprotesta.

“Wala pong pagpapaputok sa aming hanay, may flash bomb lang. May CCTVs sa lugar din na magpapatunay na sa kanila galing ang mga Molotov bombs. May nakuha din sa iba na mga bags na may lamang molotovs and pintura,” sinabi ni Ines.