Calendar
Patuloy ang mabilis na paglakas ng Bagyong Nando at inaasahang magiging super typhoon ito ng Linggo, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
PNA file photo ni Robert Oswald P. Alfiler
Pangulong Marcos iniutos buong mobilisasyon ng gobyerno para kay Super ‘Nando’
INIUTOS ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Linggo sa buong makinarya ng pamahalaan na maghanda para sa Super Typhoon Nando (international name: Ragasa), at inatasan ang mga pambansang ahensya na tumulong sa mga lokal na pamahalaan sa paghahanda laban sa matinding pag-ulan, landslide at mapanganib na storm surge sa Hilagang Luzon.
Sa isang press briefing, sinabi ni Office of Civil Defense (OCD) Officer-in-Charge Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV na inutusan ni Marcos ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at ang 44 kasaping ahensya nito na manatiling naka-full alert hanggang sa makalabas si Nando sa Philippine Area of Responsibility.
“We are here to prepare for this super typhoon Nando. Sa utos na rin ng ating mahal na Pangulo, si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na tayo ay maging proactive at talagang tulungan ‘yung ating mga local government units,” ani Alejandro.
Dagdag pa niya, na-activate na ang mga response cluster ng NDRRMC sa pangunguna ni Defense Secretary Gilbert Teodoro Jr.
Lumakas si Nando at naging super typhoon Linggo ng umaga, ayon sa PAGASA.
Inaasahang magdadala ito ng hanggang 200 millimeters ng ulan sa loob ng 24 oras, at nagbabala ang mga awtoridad sa matinding pagbaha, landslide at storm surge na higit sa tatlong metro sa Batanes at Cagayan, hanggang tatlong metro sa Ilocos Norte, at isa hanggang dalawang metro sa Ilocos Sur at iba pang baybaying bayan.
Mga apektadong lugar
Ayon kay Alejandro, Regions 1 (Ilocos) at 2 (Cagayan Valley) at ang Cordillera Administrative Region ang direktang tatamaan ni Nando, ngunit ang sirkulasyon ng bagyo, na pinalakas ng southwest monsoon at Tropical Depression Mirasol, ay magdadala rin ng ulan sa Central Luzon, Metro Manila, Calabarzon at Bicol.
Batay sa datos nitong Linggo ng umaga, 184 barangay sa Cagayan, Bicol, Western Visayas at Zamboanga regions ang naapektuhan ng ulan na dulot ni Nando at ng pinalakas na habagat, na nagpalikas sa 28,831 pamilya o 104,151 indibidwal.
May walong evacuation centers na binuksan na kasalukuyang tinutuluyan ng 165 pamilya o 497 katao.
Mga turistang na-stranded sa Batanes
Sa Batanes, iniulat ni Governor Ronald Aguto na may humigit-kumulang 70 turista ang na-stranded matapos suspindihin ng Philippine Airlines ang lahat ng biyahe papunta at pabalik ng isla hanggang Setyembre 23.
Nakikipag-ugnayan na ang mga lokal na opisyal sa Philippine Air Force para sa posibleng paggamit ng C-130 flights kung mananatiling kanselado ang mga komersyal na operasyon.
Binigyang-diin ni Alejandro na ang kahandaan sa sakuna ay pananagutan ng lahat.
“Let us remind everyone that it is everyone’s responsibility para po maging ligtas tayo dito sa ating pinaghahandaang super typhoon. Again, we urge everyone to cooperate, be proactive, sumunod po sa mga abiso,” aniya.
Tiniyak din niya sa mga lokal na pamahalaan na ang mga pambansang ahensya ay mananatiling naka-ugnay 24/7.
“Huwag po tayong magkumpiyansa. We’d like to assure our local government leaders na handang-handa na po ang ating national government,” dagdag niya. With Priam Nepomuceno/PNA

