Opong

‘Nando’ umexit na, bagyong ‘Opong’ papasok na

1800 Views

BAGUIO CITY – Bagaman patuloy pa ring nararamdaman ang epekto ng Super Typhoon Nando (international name: Ragasa), pinayuhan ang mga residente ng Cordillera Administrative Region (CAR) nitong Martes na manatiling alerto sa panibagong tropical cyclone na inaasahang papasok ngayong linggo.

“Nananawagan tayo sa mga kailyan na ipagpatuloy ang ating mga preparedness and readiness sa Super Typhoon Nando. Meron na naman ine-expect na weather disturbance na papasok sa PAR starting Wednesday kaya let us keep our guards up. Huwag kampante,” sinabi ni Albert Mogol, Cordillera Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC) chairperson at Office of Civil Defense (OCD) director, sa panayam ng Philippine News Agency.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang bagong tropical cyclone ay papangalanang Opong kapag pumasok na ito sa Philippine Area of Responsibility (PAR).

Dahil sa banta ni Opong, nagbabala si Mogol sa mga residente na iwasan ang mga lugar na madaling bahain at gumuho, at hinihikayat ang pag-antala ng mga hindi mahalagang biyahe upang maiwasan ang mga aksidenteng dulot ng masamang panahon.

Ito ay kasunod ng ulat na isang tao ang nasawi at ilan ang nasugatan matapos mabagsakan ng landslide ang kanilang sasakyan sa kahabaan ng Marcos Highway noong Lunes.

Ayon kay Mogol, kilalang landslide-prone area ang naturang lugar.

“Be careful, extra careful, and cautious when there is a weather disturbance,” aniya.

Ayon kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Regional Director Maria Aplaten, hanggang tanghali ng Martes, 4,120 pamilya o 11,814 indibidwal ang nananatili sa 133 evacuation centers sa buong CAR.

Bukod sa mga nasa evacuation centers, may 1,421 pamilya o 4,069 indibidwal ang pansamantalang nanunuluyan sa mga bahay ng kaibigan o kamag-anak, aniya.

“The local government units and the DSWD are jointly helping the internally displaced families. We are also assessing for financial provisions under the assistance to individuals in crisis,” sinabi ni Aplaten sa panayam.

Sinabi rin ni Aplaten na P585,979 halaga ng humanitarian assistance ang naipamahagi na sa mga biktima ng bagyo.

Dagdag pa niya, mayroong 80,626 family food packs na naka-preposition na sa mga lokal na pamahalaan para sa madaling distribusyon.

Mayroon ding 19,186 non-food items at 4,481 ready-to-eat food packs na may kabuuang halagang P105.52 milyon na handa nang ipamahagi, dagdag ni Aplaten. Philippine News Agency