Lacson

Ping: Bakit may singit sa NEP?

341 Views

KINUWESTYON ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson kung bakit umano pinapayagan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang ilang mambabatas na magsingit ng mga proyekto sa National Expenditure Program (NEP)—kahit hindi pa ito tinatalakay sa Kongreso.

“The NEP is the President’s budget. Why are there insertions? Why accommodate lawmakers’ proposals?” ani Lacson kay dating DPWH Secretary Manuel Bonoan sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa isyu ng maanomalyang flood control projects.

Pinamumunuan ni Lacson ang naturang komite, na iniimbestigahan ang umano’y pag-download ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo ng bilyong pisong halaga ng proyekto sa Bulacan First District Engineering Office, kahit nasa yugto pa lang ng NEP ang pondo.

Ayon kay Henry Alcantara, dating district engineer ng Bulacan, nagsimula si Bernardo na mag-download ng proyekto sa kanyang opisina noong 2022. Noong 2023, umabot ito sa P710 milyon—P450 milyon ay mula sa NEP. Noong 2024, naging P3.3 bilyon ang na-download, kasama ang P150 milyon mula sa NEP. At noong 2025, umabot sa P2.55 bilyon, kabilang ang P1.65 bilyon mula sa NEP.

Sinabi ni Alcantara na ang mga proyektong ito ay umano’y para sa mga mambabatas gaya nina Senador Joel Villanueva, Senador Jinggoy Estrada, dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr., Rep. Elizaldy “Zaldy” Co, at dating Rep. Mary Mitzi “Mitch” Cajayon-Uy.

Binanggit din ni Lacson ang pahayag ni Alcantara na humihingi umano si Bernardo ng advance payment na 5% hanggang 15% para sa mga proyektong mula sa NEP. Tinanong ni Lacson kung paano pinapayagan ang pag-download ng mga proyektong ito gayong hindi pa ito naaaprubahan bilang batas.

“Paano naka-insert ang legislator sa budget proposal pa lang? Wala pa sa legislation phase. That’s the domain of the executive. Paano nakikialam na ang legislator sa insertion?” ani Lacson.

Paliwanag ni Bonoan, isinasama nila ang mga mungkahi ng mambabatas sa NEP sa pamamagitan ng tinatawag na “leadership fund,” na sinusuri ng DPWH Planning Service upang matiyak na ito’y tumutugma sa national development plans. Aniya, ginagawa ito upang maiwasan ang komplikasyon sa bicameral conference committee.

“Wala pa tayo sa bicam. Bakit di nyo sabihin sa kanila, can you not wait for budget deliberations? Bakit nyo pinapayagan? Exclusive jurisdiction ng executive branch ang President’s budget,” giit ni Lacson.

Ipinaalala rin niya ang apat na yugto ng proseso ng pagbubuo ng budget: ang budget preparation (gawa ng ehekutibo), authorization (gawa ng Kongreso), execution (gawa ng mga ahensya), at accountability (gawa ng oversight committees at Commission on Audit).

“Saan sa budget preparation phase nakasaad na may pondo na para sa legislators? Ang papel nila ay sa authorization phase pa lang,” aniya.

Sang-ayon naman si Senate President Vicente Sotto III at iginiit na dapat ang mga mungkahing proyekto sa budget ay manggaling sa local at regional development councils.