Jinggoy

Jinggoy hinilin na pairalin ng mga senador ang respeto

279 Views

MARIING pinabulaanan ni Senador Jose “Jinggoy” Estrada nitong Lunes ang umano’y pahayag ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee at ipinaglaban ang bisa ng kanyang naging pagpapawalang-sala kaugnay ng isyu sa pork barrel scam.

Sa kanyang privilege speech, iginiit ni Estrada na bagama’t hindi tuwirang pinangalanan, malinaw umanong pinatutungkulan sa naturang pagdinig ang kanyang pangalan at si dating Senador Ramon “Bong” Revilla.

“Mr. President, I cannot, in good conscience, let the remarks made earlier by our colleague, Senator Francis Pangilinan, during the Blue Ribbon Committee pass without rebuttal,” ani Estrada.

“His comments, while not naming us directly, were laced with insinuations—clearly aimed at me and former Senator Ramon ‘Bong’ Revilla, and the legal ordeals I have already faced.”

Mariin niyang tinutulan ang muling pag-uugnay sa kanya sa isyung may kaugnayan sa Priority Development Assistance Fund (PDAF). Binalikan niya ang matagal na proseso ng paglilitis, pagkakulong, at ang epekto nito sa kanyang pamilya.

“Hinarap ko ang mga kasong isinampa sa akin. Dumaan ako sa mahabang panahon ng paglilitis, pagkakakulong, at pati na ang mabigat na stigma na idinulot nito—hindi lamang sa akin kundi maging sa mga miyembro ng aking pamilya na taon ding nagtiis ng pangungutya, pangmamaliit at panghuhusga,” aniya. “Sa huli, napatunayan na walang sapat na batayan ang mga ipinukol sa akin na akusasyon.”

Binigyang-diin ni Estrada na ganap na ang naging hatol ng korte. “To cast doubt on these decisions is not only an insult to me personally but a dangerous affront to the judiciary,” aniya. “It undermines the very foundation of our justice system and erodes public trust in due process.”

Habang kinikilala niya ang mandato ng komiteng pinamumunuan ni Senador Panfilo Lacson, iginiit niyang hindi dapat gawing plataporma ang pagdinig para muling buhayin ang mga matagal nang kwestiyonableng alegasyon.

“Hindi ako tutol sa isinasagawang pagdinig ng Blue Ribbon Committee. Ngunit hindi ko pahihintulutan na ang kasalukuyang issue ay gamitin upang idikit muli sa akin ang mga maling paratang,” giit niya.

Hinimok ni Estrada ang mga kapwa senador na pairalin ang “prudence, fairness, and most of all, respect,” sabay giit sa kanyang karapatang ipagtanggol ang sarili. “I am more than ready to dismantle the baseless lies being peddled in the Blue Ribbon Committee, come hell or high water,” aniya.

Nanawagan din siya sa komite na burahin sa rekord ang sinasabing pahayag. “I hope the committee, the Blue Ribbon committee, will expunge from the record such malicious and unwarranted remarks that serve no purpose but to malign and mislead,” dagdag ni Estrada.

Tumugon naman si Senador Pangilinan at nilinaw na wala siyang pinapatamaan. “Nothing personal. Humihingi ako ng pang-unawa,” aniya sa pagdinig, at iginiit na layunin lamang ng kanyang pahayag na bigyang-diin ang kahalagahan ng pananagutan sa pamahalaan.