Hontiveros

Sen. Risa: Flood control budget dapat ilaan sa hospital beds

358 Views

NANAWAGAN si Sen. Risa Hontiveros na ire-align ang bahagi ng P255-bilyong flood control funds sa panukalang 2026 budget upang matugunan ang kakulangan na 90,375 kama sa mga pampublikong ospital.

Batay sa datos ng Department of Health (DOH), 28,153 na kama lamang ang aktuwal na available mula sa 118,528 na sinasabi ng batas.

“Sobrang layo ng agwat. Imbes na ma-ghost na naman tayo sa flood control, mas mabuting ibigay na lang sa DOH ang pondo para mapaliit ang bed capacity gap. Tigilan na ang siksikan,” sabi ni Hontiveros, chair ng Senate Committee on Health and Demography.

Ipinaliwanag ni Hontiveros na kabilang sa listahan ng Palasyo ang mga programa ng DOH na maaaring makinabang sa realignment—Health Facilities Enhancement Program (HFEP), pagbibigay ng gamot, at medical assistance para sa indigent at financially incapacitated patients—na maaari agad mai-konbert tungo sa dagdag na kapasidad sa ospital.

“Malacañang has already cleared the path. Kailangang mag-materialize itong 90,000 hospital beds—kumpleto sa equipment at health workers.

Hindi ‘yan mangyayari kung hahayaan lang natin tangayin ang pera ng taumbayan sa baha ng korapsyon habang nagsisiksikan ang dalawang tao o higit pa sa iisang kama sa ospital,” paliwanag ni Hontiveros.

Tiniyak niya na makikipagtulungan siya sa kapwa senador upang mapataas ang pondo para sa mga reporma sa kalusugan sa 2026 budget.