Calendar
ICI suportado ng PNP
BUO ang suporta ng Philippine National Police (PNP) sa Independent Commission on Infrastructure (ICI) sa isinagawa nitong serye ng inspeksiyon at pagkalap ng mga dokumento sa iba’t-ibang rehiyon.
Pinangunahan ng ICI, sa pamumuno ni Baguio City Mayor at retiradong Police Major General Benjamin Magalong kasama si Kalihim Vince Dizon ng Department of Public Works and Highways (DPWH), ang pagbisita at pag-verify ng mga dokumento ng iba’t ibang flood control project sa tulong ng malawak na imbestigasyon at seguridad mula sa PNP.
Nakipagtulungan ang mga Regional Field Units ng PNP mula sa Regions 1, 3, 4B, 5, 7, 9, 11, 12, at 13 sa DPWH, NBI, mga kinatawan ng ICI, Highway Patrol Group at lokal na pulisya upang magbigay ng investigative support, tiyakin ang seguridad, at masiguro ang maayos na pagsulong ng isinasagawang pagbusisi ng ICI.
“Hindi ito karaniwang tulong lang—patunay ito na buong lakas na sinusuportahan ng PNP ang laban ng Pangulo para sa malinis na pamahalaan.
Ang tiwala ng publiko sa mga proyekto ng gobyerno ay nakasalalay sa katotohanan at pananagutan, at patuloy naming poprotektahan ang tiwalang iyon,” ayon kay PNP Acting Chief, Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr.
Tiniyak din ni PNP spokesperson, Brigadier Gen. Randulf T. Tuaño ang lubos na suporta ng Pambansang Pulisya sa layunin ng pamahalaan na mapanagot ang mga may kasalanan sa maanomalyang flood control projects.
Kanya ding tiniyak ang buong suporta ng PNP sa ICI at sa lahat ng ahensya ng pamahalaan na nagsusulong ng integridad, pagiging bukas at may pananagutan alinsunod sa adhikain ng “Bagong Pilipinas.”

