Kamara, Senado nagpahayag ng suporta ng dagdag P12.3 badyet para sa SUCs

309 Views

MATAPOS ang maraming taon ng panawagan mula sa Sate Universities and Colleges (SUCs) na tugunan ang kanilang kakulangan sa pondo para sa pagpapatupad ng Free Higher Education Act, nangako ang Kamara at Senado na maglalaan ng karagdagang P12.3 bilyon para sa 113 SUCs sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act.

Sa pre-plenary budget hearing na pinangunahan ni House Committee on Appropriations vice chairperson at Batangas 1st District Representative Leandro Legarda Leviste, nanawagan ang mga SUC na ibigay ang kinakailangan nilang pondo para sa pagpapatupad ng Free Higher Education Act sa susunod na taon.

Kinumpirma ni House Committee on Appropriations Chair Mika Suansing na popondohan ang P12.31 bilyong kakulangan sa badyet ng mga SUC sa 2026 national budget. Kukunin umano ang P7.82 bilyon sa Higher Education Development Fund ng Commission on Higher Education (CHED) at ang kakulangan na P4.49 bilyon ay isasama sa aaprubahang budget ng Kongreso.

Kinumpirma rin ni Senate Finance Committee Chair Sherwin Gatchalian na susuportahan ng Senado ang dagdag na pondo para sa SUCs sa susunod na taon upang pondohan ang pagpapatupad ng Free Higher Education Act.

Ipinahayag din ni Senate Higher Education Committee Chair Loren Legarda ang kanyang suporta sa paglalaan ng dagdag na pondo at nag-organisa ng pagpupulong kasama ang mga pangulo ng SUC at si CHED Chair Shirley Agrupis upang talakayin ang mga susunod na hakbang bago pag-usapan sa Senado ang badyet ng mga SUC sa susunod na taon.

Ayon sa presentasyon ni Philippine Association of State Universities and Colleges (PASUC) President Dr. Tirso Ronquillo, mayroong P12.3 bilyong kakulangan sa pondo para sa SUCs hanggang 2025, at tinatayang karagdagang P3.5 bilyon pa ang kakailanganin upang masuportahan ang inaasahang pagtaas ng bilang ng mga estudyante sa 2026.

Bagamat nakatulong na ang Free Higher Education Act sa milyun-milyong estudyante, ang kakulangan sa pondo ay naglilimita umano sa bilang ng mga slot na maaaring ialok ng SUCs, dahilan upang mawalan ng oportunidad ang tinatayang 200,000 kwalipikadong estudyante na makapag-aral sa SUCs.

Suportado nina Senators Gatchalian at Legarda ang panawagan ng SUCs na dagdagan ang kanilang badyet, na pagdedebatehan sa Senado sa mga darating na araw upang ang libreng edukasyong kolehiyo ay magpatuloy.