DMW

Barko inatake sa Gulf of Aden, Pinoy kasama sa inilikas

Jun I Legaspi Sep 30, 2025
335 Views

LUBOS na ikinalulungkot at ikinababahala ng Department of Migrant Workers (DMW) ang napaulat na pag-atake sa barkong Minervagracht, isang Dutch-flagged cargo vessel, habang nasa Gulf of Aden.

Ayon sa mga ulat, ilang tripulante ang nasugatan at kinailangang ilikas, at may posibilidad na kabilang dito ang isang Pilipinong marino.

Agad nakipag-ugnayan ang DMW sa ship operator, employer, mga manning agency at sa Department of Foreign Affairs (DFA) kasama ang mga konsulado upang beripikahin kung may Pilipino ngang kabilang sa mga apektado.

Kung makumpirma, nakahanda ang DMW na magbigay ng agarang tulong, kabilang ang medical assistance at access sa gamutan, repatriation kung kinakailangan, counseling at psychological support, legal aid at iba pang kinakailangang suporta para sa seafarer at sa kanyang pamilya.

Tiniyak ng DMW sa mga tripulante at kanilang pamilya na ang pamahalaan ay kumikilos upang tiyakin ang kanilang kaligtasan at kapakanan.

Sinabi pa ng DMW na patuloy nitong pinapalakas ang proteksyon at pangangalaga para sa mga seafarer―lalo na sa mga lugar na mataas ang panganib gaya ng Gulf of Aden.

“Magbibigay po kami ng karagdagang update sa sandaling makumpirma ang mga detalye. Manatili po kayong nakaantabay,” pahayag ng DMW, at iginiit na ito’y nakikiisa, kumikilos at naglilingkod para sa kapakanan ng bawat Pilipinong marino at manggagawa sa ibayong dagat.