Castro Palace Press Officer Claire Castro RTVM screengrab

Palasyo binira paratang na ICI ‘scripted’, bumwelta kay VP Sara

264 Views
Sara
Vice President Sara Duterte
Kuha ni JOSEPH MUEGO

ITINANGGI ng Malacañang nitong Martes ang mga alegasyon na ang imbestigasyon ng pamahalaan sa mga iregularidad sa mga flood control project ay minamanipula ng mga interes sa politika, at tinawag ang mga paratang na walang basehan at may halong pamumulitika.

Ito ay kasunod ng pahayag ni Senador Francis “Chiz” Escudero na ang imbestigasyon ay tila sumusunod sa isang “script.”

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) ay itinatag upang imbestigahan ang korapsyon sa public works at flood control projects, at ito’y susunod sa ebidensiya at hindi sa mga naratibong politikal.

“Lahat po ng nababanggit na pangalan dapat nating ikonsidera na inosente. They should be presumed innocent until proven guilty. Let us go to where the evidence leads us,” ani Castro.

Binigyang-diin niya na ang mga akusasyon at privilege speech ay hindi maaaring ipalit sa legal na ebidensiya.

“Hindi po kasi nadadaan sa magandang talumpati, hindi nadadaan sa pagtuturo… kung hindi sa pamamagitan ng sapat na ebidensiya,” dagdag niya, at hinikayat ang sinumang may impormasyon na isumite ito sa ICI.

Aniya, ang komisyon ay nilikha upang malayang suriin ang “evidence, facts, and records para matumbok kung sino ang dapat na mapanagot.”

Sagot kay VP Sara

Bumuwelta rin si Castro kay Pangalawang Pangulong Sara Duterte, na nagsabing ginagamit umano ng Pangulo ang ICI upang hawakan sa leeg ang imbestigasyon sa korapsyon at iginiit na ang katotohanan at pananagutan ay aabot “all the way to Malacañang.”

Ayon kay Castro, bilang isang abogado, dapat alam ni Duterte ang pagkakaiba ng alegasyon at hatol.

Dagdag pa niya, si Duterte mismo ay nabanggit na rin sa mga nakaraang kontrobersiya, na ayon sa kanyang sariling pamantayan ay hindi dapat maging batayan ng paghusga.

“Siya po mismo, ang Bise Presidente ay nami-mention din sa mga diumano’y maanomalya na transaksiyon, dapat po ba natin siyang husgahan katulad ng ginagawa niya ngayon?” ani Castro.

Bilang tugon sa pahayag ni Duterte na aabot sa Malacañang ang “floodwaters of truth,” matalas ang sagot ni Castro: “Ang tangi lamang po yata niyang alam ay sirain ang Pangulong Marcos Jr.”

Dagdag pa ng opisyal ng Palasyo, mismong si Pangulong Marcos ang nag-utos ng imbestigasyon at siya rin ang unang nagsiwalat ng mga ghost project at substandard na flood control works―bagay na kinilala rin ni Escudero.

“Maski na po mismo napakinggan po natin si Senator Chiz Escudero kahapon, kahit na nga po ang Pangulo sinabi po niya na walang kinalaman at siya pa po ang nagsumbong,” ani Castro. Philippine News Agency