BBM Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

PBBM: Reporma kailangan para maibalik tiwala ng tao

247 Views

IGINIIT ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Martes ang kanyang paninindigan na wakasan ang korapsyon at isulong ang pamumunong may prinsipyo sa lahat ng antas ng pamahalaan.

Sa kanyang talumpati sa panunumpa ng mga opisyal ng League of Vice Governors of the Philippines sa Malacañang, kinilala ni Pangulong Marcos na ang tunay na paglilingkod ay hindi nasusukat sa kulay ng politika kundi sa sinseridad, pagkilos at pananagutan.

“Reforming our government is the only way we have to win back the trust of our people,” aniya. “Patunayan natin na wala sa kulay ng politika ang tunay na paglilingkod. Ito ay nasa puso, nasa konsensiya at higit sa lahat, nasa gawa.”

Pinaalalahanan ng Chief Executive ang mga opisyal na ang paglilingkod sa bayan ay may kaakibat na tungkulin na panatilihin ang integridad at maghatid ng tunay na reporma na tumutugon sa pangangailangan ng mamamayan.

“Tandaan natin: ang bawat posisyon ay may kaakibat na tungkulin at responsibilidad. Responsibilidad na itaguyod ang makabuluhang pagbabago sa inyong mga lalawigan,” sinabi ni Pangulong Marcos.

Kinilala rin niya ang pagkadismaya ng karaniwang Pilipino sa mahinang pamamahala, at binanggit na marami ang nabibigatan sa paulit-ulit na problema sa serbisyo publiko at nawawalan ng pag-asa sa mga pangakong reporma na hindi natutupad.

Ayon sa kanya, ang malawakang pagkadismaya ay nagbubunsod ng galit mula sa taumbayan―isang damdaming kailangang harapin ng gobyerno nang may kababaang-loob at konkretong aksyon.

“Dismayado ang maraming Pilipino dahil sa mga patong-patong na isyung lumulunod sa kanila araw-araw,” ayon sa Pangulo. “Let us not dismiss that anger. Let us confront it. Let us be humbled and provide concrete solutions. Alam naman natin ang mga mali, kaya dapat nating itama.”

Sa kabila ng mga hamon, ipinahayag ng Pangulo ang kanyang tiwala sa kakayahan ng mga lokal na lider na maihatid ang serbisyong nararapat para sa mga Pilipino.

“I know we have it in us to deliver the service our people rightfully deserve. Ibigay natin iyon sa kanila. Ibigay natin sa mga anak at apo natin ang isang pamahalaang marangal at maipagmamalaki nila,” wika niya.

Kaugnay ng kanyang mensahe sa Bagong Pilipinas na adbokasiya ng kanyang administrasyon, hinikayat ng Pangulo ang mga bise gobernador na manguna sa halimbawa at isabuhay ang mga pagpapahalaga ng integridad, disiplina at malasakit.

“If we truly believe in a Bagong Pilipinas, then we, as leaders, must be the very examples of a Bagong Pilipino―tapat, disiplinado at may tunay na malasakit sa bayan,” sinabi ni Pangulong Marcos.

Ang panawagan ng Pangulo ay nagpapakita ng kanyang layunin para sa reporma at pagkakaisa―ang wakasan ang korapsyon at mga sistemikong problema habang pinapalakas ang pagkakabuklod ng sambayanan nang hindi alintana ang politika, bilang mahalagang hakbang para sa mas matatag at mapagkakatiwalaang pamahalaan para sa mga Pilipino. PCO