Calendar
Pagtawag ng snap elections tinawag na mapanganib
“YOU are courting danger.”
Ito ang matinding babala ni dating Senate President Franklin Drilon kay Senador Alan Peter Cayetano matapos itong magmungkahi ng isang pambansang snap election para sa lahat ng pinakamataas na opisyal ng bansa — kabilang ang Pangulo, Pangalawang Pangulo, at mga miyembro ng Kongreso.
Ayon kay Cayetano, panahon na upang magkaroon ng “bagong simula” sa pamahalaan sa gitna ng mga alegasyon ng korapsyon. Iminungkahi niyang magbitiw sa puwesto ang lahat ng opisyal at humingi ng panibagong mandato, kasabay ng kondisyong “no incumbent official be allowed to run in the next election cycle.”
Aniya, “What if we all just resign and allow a snap election—from the President, Vice President, Senate, and Congress—with one important addition: no incumbent from the above can run for one election cycle.”
Dagdag pa ni Cayetano, ito raw ay maaaring magsilbing “fresh start” upang muling makuha ang tiwala ng publiko. “Pray about it,” aniya.
Ngunit agad itong sinabayan ng mga babala mula kina Drilon, Senate President Vicente “Tito” Sotto III, at Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson, na pawang iginiit na taliwas sa Konstitusyon ang mungkahi.
Binigyang-diin ni Drilon na labis na delikado ang ideyang ito at maaaring magdulot ng pagkasira ng mga demokratikong institusyon.
“We have a Constitution which we must respect. We elected these officials; let them finish their terms. But asking everybody to resign—I dread that day if it will come because it is very, very dangerous. We have become a banana republic,” ani Drilon sa isang panayam sa ANC.
Samantala, ipinaliwanag ni Sotto na walang umiiral na legal o konstitusyonal na batayan para sa ganitong uri ng halalan.
“We have no Constitutional nor legal framework for snap elections. We will be flirting with uncertainty and chaos. Just my opinion,” babala niya.
Sa kabilang banda, nagpahayag din ng pag-aalinlangan si Lacson sa mungkahi ni Cayetano.
“Election, snap or regular, is not the solution. In fact, election campaigns actually add to more corruption—of the electorate by the candidates,” aniya.
Imbes na halalan, iminungkahi ni Lacson na dapat unahin ng gobyerno ang “certainty of punishment” para sa mga tiwaling opisyal.
“For a change, how about the certainty of punishment of corrupt politicians? The higher, the better,” dagdag pa niya.
Tinukoy pa ni Drilon ang mga pagkukulang ng administrasyon sa proseso ng 2025 national budget, na dati na ring binatikos ni Lacson.
Nagkakaisa ang tatlong beteranong senador sa paniniwalang bagama’t makatwiran ang pagkadismaya ng publiko, dapat idaan ang reporma sa tamang pagpapatupad ng batas — hindi sa mga “shortcut” na labag sa Konstitusyon.
Gayunman, iginiit ni Cayetano na ang kanyang mungkahi ay isang “what if” scenario lamang na layuning magbukas ng pagninilay at pag-uusap hinggil sa reporma.
“It’s time for a clean slate and genuine reform,” aniya.

