Calendar
Speaker Dy ibinahagi mga reporma ng RICE Act para sa mga magsasaka
INANUNSYO ni SPEAKER Faustino “Bojie” Dy III noong Lunes na makakatanggap ng ₱7,000 na direct cash assistance ang isang milyong magsasaka ng palay mula sa 2026 national budget bilang bahagi ng pinalawak na suporta ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa sektor ng agrikultura.
Sa kanyang pahayag sa pinagsamang pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food na pinamumunuan ni Quezon 1st District Rep. Mark Enverga at ng Committee on Ways and Means na pinamumunuan ni Marikina City 2nd District Rep. Miro Quimbo, sinabi ni Dy na ang ayuda ay makakatulong sa mga magsasaka na makabawi mula sa mga pagkalugi dulot ng pagbaba ng presyo ng palay.
“Tiyak na may darating na tulong. Isang milyong magsasaka ang makatatanggap ng tig-pitong libong piso (₱7,000) na cash aid upang maibsan ang kanilang pagkalugi dulot ng mababang presyo ng palay,” ani Dy.
Ipinaliwanag ni Dy na ang programa ay alinsunod sa Executive Order No. 93 na pansamantalang nagsususpindi ng pag-aangkat ng bigas upang protektahan ang mga lokal na prodyuser mula sa sobrang suplay at mababang presyo.
Ayon sa Speaker, “ang pamamahagi ng cash aid ay nagpapakita ng determinasyon ni Pangulong Marcos na tugunan agad ang hirap ng mga magsasaka at isabay rito ang mga repormang pangmatagalan.”
“Ipinakiusap din natin sa Pangulo na ang lahat ng uri ng subsidiya mula sa Department of Agriculture, tulad ng seed subsidy, ay ibigay na rin ng cash upang mas madali at mas direkta itong mapakinabangan ng ating mga magsasaka,” dagdag pa niya.
Si Dy, na matagal nang tagapagtanggol ng kapakanan ng mga magsasaka at sektor ng agrikultura, ay nagsabi na marami sa mga magsasaka sa kanyang lalawigan ng Isabela ang nagbebenta ng palay sa halagang ₱8 bawat kilo, na malayo sa ₱16 hanggang ₱18 na kinakailangan upang mabawi ang mga gastos sa produksyon.
“Kapag palugi ang benta ng palay, hindi lang kabuhayan ng magsasaka ang nanganganib kundi pati ang seguridad sa pagkain ng buong bansa,” aniya.
Binanggit din ni Dy ang kahalagahan ng mga pangmatagalang reporma sa pamamagitan ng iminungkahing Rice Industry and Consumer Empowerment (RICE) Act, isang prayoridad na hakbang sa Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC). Nilalayon ng RICE Act na palakasin ang National Food Authority (NFA) upang tiyakin ang sapat na suplay ng pagkain sa bansa sa pamamagitan ng pagbabago sa charter ng ahensya.
“Kaya naman isa sa mga pangunahing prayoridad na ating isinusulong sa LEDAC ay ang [RICE Act], upang mapatatag ang National Food Authority o NFA, mapangalagaan ang kabuhayan ng ating mga magsasaka, at mapanatiling abot-kaya ang bigas para sa bawat Pilipino,” sabi ni Dy.
Ang RICE Act ay naglalayong ibalik ang kapangyarihan ng NFA na bumili ng palay tuwing panahon ng anihan, itaas ang taripa sa pag-aangkat ng bigas mula 15% tungo sa 35%, at magtakda ng ₱25 bawat kilo bilang floor price upang matulungan ang mga magsasaka. Ilalaan din ang 75% ng kita mula sa taripa para sa isang Price Stabilization Fund na magsusuporta sa mga magsasaka.
Idinagdag pa ni Dy na kabilang sa mga hakbang ng administrasyon ang pagpapabilis ng proseso ng crop insurance, digital systems, at mga pautang mula sa gobyerno na walang interes upang matulungan ang mga komunidad sa kanayunan.
“Kailangang magkaisa tayo para sa ating mga magsasaka. Sa agarang suporta at pangmatagalang reporma, titiyakin nating may kinabukasan ang kanilang kabuhayan at may murang bigas ang bawat pamilyang Pilipino.”
Ang pinagsamang pagdinig ay dinaluhan ng mga opisyal mula sa mga pangunahing ahensya at mga kinatawan mula sa industriya ng bigas, mga negosyante, importers, at mga grupo ng magsasaka upang talakayin ang EO 93 at iba pang mga programa ng suporta.

