Calendar
Sen. Risa itinangging sangkot sa bicam insertions
MARIING itinanggi ni Senadora Risa Hontiveros na siya ay sangkot sa umano’y mga bicameral conference committee insertions sa panukalang 2025 national budget, at iginiit na lahat ng kanyang mga mungkahi ay dumaan sa tamang proseso sa Senado.
“Wala po akong bicam insertions. Wala sa unprogrammed funds. PERIOD,” ani Hontiveros. Idinagdag niya na hindi siya lumagda sa bicam report at bumoto siya ng “No” sa 2025 budget.
Nagbabala rin ang senadora sa publiko laban sa maling impormasyon. “BABALA: WAG MANIWALA SA FAKE NEWS AT MALING IMPORMASYON,” aniya.
Ipinaliwanag ni Hontiveros na ayon sa 1987 Constitution, tanging amendments lamang ang maaaring imungkahi ng Senado sa General Appropriations Bill. Ang mga insertions na ginagawa matapos ang plenary deliberations ay labas umano sa prosesong itinakda ng batas.
Ayon sa isang legal expert, “ang amendment ay ginagawa nang hayagan, may tala at boto, samantalang ang insertion ay karaniwang ipinapasok nang tahimik, walang opisyal na rekord o malinaw na pananagutan.”
Sinabi ni Hontiveros na ang lahat ng kanyang amyenda ay malinaw na ipinaliwanag at inaprubahan ng Senado. Tinanggihan umano niyang lagdaan ang bicam report nang matuklasan na binawasan ng komite ang ilang pondo gaya ng sa PhilHealth, 4Ps, at edukasyon, habang nadagdagan naman ng ₱373 bilyon ang unprogrammed funds.
“Kung totoo ngang may insertions ako, bakit ko tatanggihan at bobotohan ng ‘No’ ang mismong budget na iyon?” pahayag niya.

