Calendar
Tulfo, Lacson: Liderato sa Senado walang pagbabago
TINIYAK nina Senador Erwin Tulfo at Panfilo “Ping” Lacson na walang pagbabago sa liderato ng Senado sa kabila ng mga pagkakaiba ng opinyon at isyung kinahaharap ng mga senador.
Ayon kay Tulfo, maayos ang pamumuno ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III at abala ang bawat senador sa kani-kanilang mga tungkulin. “Walang pagbabago sa liderato. Maayos ang takbo ng Senado at lahat abala sa trabaho,” pahayag ni Tulfo sa panayam ng DZXL.
Sinabi naman ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na patuloy ang suporta ng mayorya ng mga senador sa pamumuno ni Sotto. “Matatag at maayos ang Senado dahil nirerespeto ng mga miyembro ang institusyon at ang pamunuan nito,” aniya.
Si Sotto, na dati nang nagsilbing Senate President, ay nagsabing siya ay nananatili sa puwesto “at the pleasure of the majority.” Tumanggi naman siyang magkomento tungkol sa usapin ng pagpapalit ng liderato at iginiit na ang pagkakaisa ng Senado ang kanyang pangunahing layunin.
Dagdag pa ni Tulfo, normal lamang ang mga talakayan at pagtatalo sa Senado, ngunit agad din umano itong naayos. “May mga diskusyon sa lounge namin, pero naayos naman agad. Wala namang problema sa pamunuan,” ani Tulfo.
Pinabulaanan din ng senador ang mga usaping may planong palitan ang liderato at tinawag itong “fake news.”
Patuloy na sinusuportahan si Sotto ng mga kasamahan sa Senado kabilang sina Lacson at Majority Leader Juan Miguel Zubiri na kapwa nagsabing nananatiling matatag at magkakaisa ang Senado.

