Nartatez

Morale ng mga pulis mataas, di kailangan ng loyalty check — Nartatez

Alfred Dalizon Oct 6, 2025
364 Views

MATAAS ang morale sa Philippine National Police (PNP) at hindi kailangan ang loyalty check sa organisasyon na matatag ang suporta kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ayon kay acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. nitong Lunes.

“The state of morale in the PNP is relatively high at kung ano ang nararapat, ‘yun ang gagawin namin,” ani Nartatez.

Sinabi ni Nartatez na wala siyang natatanggap na ulat ukol sa mga taong nasa labas ng kapulisan na nakikipag-usap sa kanyang mga tauhan at mga regional director upang kumilos laban sa commander in chief.

“Whether civilians or retired or active Armed Forces or police officials, pag meron, puwede ko silang kausapin not to do it kasi we have a sitting president and I don’t see any basis para patalsikin siya,” pahayag ng opisyal.

Binigyang-diin din ng opisyal na si Pangulong Marcos mismo ang nag-utos na itigil ang korapsyon, lalo na sa mga proyekto sa flood control sa Metro Manila at mga karatig na lalawigan, sa kanyang State of the Nation Address noong Hulyo.

Nagbigay ng pahayag si Nartatez kasabay ng pag-amin ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Gen. Romeo S. Brawner, na tinanggihan niya ang panawagan para sa militar na patalsikin ang pangulo sa gitna ng marahas na protesta laban sa korapsyon noong nakaraang buwan.

Sinabi ni Brawner na ilang retiradong opisyal ng militar ang lumapit sa kanya at sa ilang mas batang opisyal, ngunit tinanggihan nila ang panawagan.

Ayon kay Brawner, ang ilan sa mga nagtutulak ng interbensyon ng militar ay nagsabing “somebody else deserves to be president, but they did not mention who that is.”

Gayunman, sinabi niya sa mga retiradong opisyal na sila ay “solid in support of the Philippine Constitution” at “very clear in our mandate,” aniya.