Castro Palace Press Officer Claire Castro

Panawagan na magkaroon ng snap polls binira ng Palasyo

252 Views

BINALEWALA ng Malacañang nitong Lunes ang panawagan ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano para sa isang snap election na sasaklaw sa lahat ng halal na opisyal sa ehekutibo at lehislatura, na tinawag nitong “wishful thinking” at walang kaugnayan sa mga agarang suliranin ng bansa.

Sa isang Facebook post noong Linggo, iminungkahi ni Cayetano na magbitiw ang pangulo, pangalawang pangulo, mga senador at mga kongresista upang bigyang-daan ang isang snap election, kung saan ipagbabawal muna ang mga kasalukuyang opisyal na tumakbo sa isang election cycle.

Pinanindigan niya ang mungkahi sa pagsasabing nawalan na ng tiwala ang mga Pilipino sa pamahalaan at mga opisyal nito, at dagdag pa niya na “politicians are suspects.”

Ang panawagan ay kasabay ng malawakang imbestigasyon sa mga umano’y iregularidad sa mga proyekto sa flood control, na naging sentro ng kontrobersiyang pampulitika nitong mga nakaraang linggo.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, nananatiling nakatuon si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pamamahala at pagtugon sa mga sakuna, lalo na sa pagtulong sa mga naapektuhan ng mga kamakailang kalamidad.

“It is just his wishful thinking. We do not have time to talk about one’s personal desires. Abala ang Pangulo na magtrabaho para sa bayan at tulungan ang mga naapektuhan ng lindol at bagyo.

Wala po siyang oras sa mga ganitong klaseng pamumulitika,” ani Castro.

“Mag-focus po tayong lahat sa pangangailangan ng mamamayan, hindi sa mga pansariling interes lang,” dagdag pa ni Castro. Philippine News Agency