Dy

Digital crop insurance isinulong ni Speaker Dy

Mar Rodriguez Oct 7, 2025
222 Views

ITINUTULAK ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III ang digital crop insurance na mayroong zero-interest loans para sa mga magsasaka.

Nananawagan si Speaker Dy para sa isang mabilis, simple at inclusive financial support systems para aa mga Pilipinong magsasaka kung saan binibigyang diin nito ang reporma para sa crop insurance at government lending programs para tiyakin ang tinatawag na long-term stability para sa sektor ng agrikultura.

Sa ginanap na joint hearing ng House Committee on Agriculture and Food at House Ways and Means Committee. Sinabi ng House Speaker na kasama rin sa naturang reporma ang pagpapalawak ng proteksiyon at access sa pondo ng mga magsasaka.

Sinabi pa ni Dy na nais nitong gawing obligado ang crop insurance para sa lahat at matiyak na ang Philippine Crop Insurance Corporation ay nakakapag-proseso ng claims sa loob ng sampung araw gamit ang mga digital systems.

Ipinaliwanag din ni Speaker Dy na ang pagiging mandatory ng crop insurance at ang digitalization nito ay makakatulong para mabilis na makabawi ang mga magsasaka mula sa pagkalugi dulot ng hambalos ng kalamidad at pagbagsak presyo ng kanilang produkto sa merkado.

Hinihikayat nito ang mga bangko ng pamahalaan tulad ng Landbank of the Philippines na gawing walang interes at mas gawing simple ang mga pautang sa agrikultura sa pamamagitan ng pagbawas ng mga dokumento para mas maging madali ang benepisyo ng agrarian reform na nakakakuha ng pondo.

“Kailangan magkaisa tayo para sa ating mga magsasaka. Sa agarang suporta at pang-matagalang reporma at tiyakin nating may kinabukasan ang kanilang kabuhayan at may murang bigas ang bawat Pilipino,” sabi ni Speaker Dy.

Nauna rito, itinutulak ni Dy ang pagbabalik ng 35% na taripa na ipinapataw sa imported na bigas upang maprotektahan ang mga Pilipinong magsasaka kasabay nito ang pagpapalakas ng lokal na industriya ng bigas.