Calendar
Senado tinalakay ang panukala laban sa hospital detention at dagdag-tulong sa mga senior citizen
TINALAKAY ng Senate Committee on Health and Demography sa pamumuno ni Senadora Risa Hontiveros ang mga panukalang batas na magpapalakas sa proteksyon ng mga mahihirap na pasyente at senior citizens, kabilang ang pag-amyenda sa Anti-Hospital Detention Law (RA 9439) at pagtatatag ng mga geriatric health program sa buong bansa.
Ayon kay Hontiveros, layunin ng mga panukala na tiyakin ang “karapatan sa dignidad at hustisyang pangkalusugan,” lalo na sa mga mahihirap at matatanda.
Ibinahagi ni Konsehal Walter Magnum Bimbo de la Cruz ng Valenzuela City ang karanasan ng ilang residente na umano’y idinetine sa ACE Medical Center—kabilang ang isang sanggol na pinigil ng 40 araw at isang biyuda na tatlong araw hindi pinalabas matapos pumanaw ang asawa. Dahil dito, ipinasok ng lungsod ang isang ordinansa noong 2024 na nagbabawal sa hospital detention at sa pagpigil ng birth at death certificates.
Suportado ng Department of Health (DOH), sa pamamagitan ni Assistant Secretary Christian Sakilabon, ang pagpapalawak ng saklaw ng batas upang maisama ang mga pasyenteng nasa pribadong kuwarto. Iminungkahi rin ng DOH na tanggapin ng mga ospital ang guarantee letters mula sa DSWD, PhilHealth, at PCSO bilang sapat na batayan sa pagpapauwi ng pasyente.
Nanawagan si Senador Erwin Tulfo sa pagkakaroon ng “one-stop social welfare desk” sa lahat ng ospital upang matulungan agad ang mga mahihirap na pasyente sa pagproseso ng tulong pinansyal. Kumpirmado ng DOH na requirement ito para sa lisensya ng ospital.
Tinalakay din ng komite ang mga panukala para sa National Geriatric Center at Senior Health Aid Program. Ayon kay Dr. Wenceslao Lauderes ng Jose Reyes Memorial Medical Center, kailangang magkaroon ng mas malaking sentro sa labas ng Malacañang area upang maging abot-kamay sa publiko.
Ipinunto ni Hontiveros na mayroon lamang 173 aktibong geriatric specialists sa buong bansa—isa sa bawat 60,000 senior citizen—kaya’t kailangan ang mga insentibo para mahikayat ang mga doktor. Iginiit din ni DOH Undersecretary Emelisa Perez Chong at ng Philippine Dental Association na isama ang dental at oral health services sa benepisyo ng mga senior.
Inatasan ng komite ang DOH, DSWD, at PhilHealth na magpasa ng pinagsamang posisyon bago ihanda ang substitute bill para sa plenaryo.

