JV

Sen. JV: Maraming mas magaling sakin

112 Views

MATINDING pagtanggi at pag iwas ang tugon ni Senador JV Ejercito sa posibilidad na pamunuan niya ang Senate Blue Ribbon Committee matapos magbitiw si Senador Panfilo “Ping” Lacson, na aniyay hindi niya linya.

“Thank you sa consideration, pero mas maraming mas magaling at mas may kakayahan kaysa sa akin,” pahayag ni Ejercito, bilang tugon sa mga ulat na isa siya sa mga pinag-aaralan ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na posibleng pumalit kay Lacson.

Nagbitiw si Lacson bilang chair ng Blue Ribbon Committee sa gitna ng mga ulat ng hindi pagkakasundo sa Senado kaugnay ng direksyon ng imbestigasyon sa mga umano’y iregularidad sa mga proyekto ng public works at flood-control.

Ayon sa mga ulat, bukod pa kay Ejercito, kabilang sa mga itinuturing na kandidato para sa puwesto ang mga senador na sina Raffy Tulfo, Pia Cayetano, Francis “Kiko” Pangilinan, at Risa Hontiveros. Inaasahan na maglalabas ng desisyon si Sotto sa mga susunod na araw upang hindi matiwangwang ang nasabing komite.

Ang Blue Ribbon Committee ang pangunahing komite ng Senado na nagsasagawa ng mga imbestigasyon kaugnay ng katiwalian at maling paggamit ng pondo ng pamahalaan.

Sa kasalukuyan, nakatutok ito sa mga flood-control projects na sinasabing overpriced at substandard.