Calendar
Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
PNA file photo
Palasyo: PBBM di naaalarma sa coup rumors, AFP tapat sa Konstitusyon
MATAGAL nang alam ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga ulat ukol sa umano’y tangkang kudeta ng ilang grupo, ngunit sinabi ng Malacañang nitong Martes na hindi siya nababahala at patuloy siyang nagtitiwala sa katapatan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, naipabatid na kay Pangulong Marcos ang usapin bago pa ang mga kilos protesta noong Setyembre 21.
“Matagal na po niyang alam ito kahit before September 21 ay mayroong mga maliliit na grupo na nagsu-suggest ng ganito,” ani Castro sa isang press briefing sa Palasyo.
“According nga to [AFP Chief] Gen. Brawner and [PNP Chief] Gen. Nartatez, mananatili po silang loyal sa Konstitusyon at sa chain of command. So wala pong dapat ipag-alala ang ating taumbayan patungkol dito,” dagdag pa niya.
Sinabi rin ni Castro na kinikilala ni Pangulong Marcos ang propesyonalismo at dedikasyon ng AFP at PNP.
“Kinikilala niya po ang kagalingan ng AFP at PNP at lahat ng kasundaluhan at kapulisan natin at tiwala po sila na gagawin nila ang dapat at nararapat,” aniya.
Nang tanungin kung itinuturing ba ng Palasyo na isang uri ng sedisyon o pagtataksil sa bayan ang pakikipag-ugnayan sa mga opisyal ng militar, sinabi ni Castro na pinag-aaralan pa ito ng mga awtoridad.
“Aaralin po kung ano mismo ang naganap dito para kung mayroong dapat managot ay dapat makasuhan,” aniya.
Kinumpirma ni AFP Chief of Staff Romeo Brawner Jr. na noong Setyembre 20, isang grupo ng walong retiradong heneral at koronel ang lumapit sa kanya upang hikayatin siyang kumilos laban sa korapsiyon sa pamahalaan at bawiin ang suporta ng militar kay Pangulong Marcos, na pabor kay Pangalawang Pangulong Sara Duterte.
Ayon kay Brawner, tinanggihan niya ang panawagan at muling iginiit na nananatiling tapat ang AFP sa Konstitusyon at sa chain of command.
Naganap ang pulong diumano sa Camp Aguinaldo sa bisperas ng mga pambansang kilos protesta kaugnay ng iskandalo sa korapsiyon sa mga proyekto sa flood control. Philippine News Agency

