Calendar
Palasyo: Nakatutok si PBBM sa trabaho, walang pakialam sa panawagang impeachment
TINANGGIHAN ng Malacañang nitong Huwebes ang panibagong panawagan para sa impeachment at pagpapatalsik kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sa pagsasabing hindi siya naapektuhan at nananatiling nakatutok sa kanyang trabaho upang mapabuti ang buhay ng mga Pilipino.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, tumatanggi ang Pangulo na ma-distract sa mga walang basehang akusasyon at pulitikal na palabas, at iginiit na ang ganitong ingay ay hindi makakasagabal sa mga reporma at agenda ng pamahalaan.
“Mahirap po kasing magsalita ng walang ebidensiya, madaling magbintang, madaling magsabi kung anu-ano. Kung walang ebidensiya, hindi dapat paniwalaan,” ani Castro.
Ibinigay niya ang pahayag matapos akusahan ni Cavite Rep. Elpidio “Kiko” Barzaga Jr. ang Pangulo ng pagtataksil sa tiwala ng publiko at nanawagan ng isang “people power” upang mapatalsik ito sa puwesto.
Ngunit binigyang-diin ni Castro na ang proseso ng impeachment ay nasa hurisdiksiyon ng Kongreso.
“Makarating o hindi makarating, ito naman po ay trabaho po iyan at saklaw po iyan ng House of Representatives,” ani niya.
Nang tanungin kung pinapansin ng Malacañang ang mga pahayag ni Barzaga, sinabi ni Castro na hindi pinapansin ng Pangulo ang ganitong pulitikal na ingay.
“Sa panahon ngayon na marami pong ginagawa po ang Pangulo, hindi po pinapansin ang mga ganyang klaseng usapin. Busy ang Pangulo sa pagtulong sa mga kababayan natin, maraming trabaho para maiangat pa ang Pilipinas, hindi para ibaba ang dignidad ng ating bansa,” ani niya.
Paulit-ulit ding binigyang-diin ng Palasyo na ang pokus ng Pangulo ay ang pagpapalago ng ekonomiya, pagpapatibay ng mga reporma sa pamahalaan, at pagtiyak ng pananagutan sa gitna ng mga imbestigasyon sa umano’y katiwalian sa mga pampublikong proyekto. Philippine News Agency

