PSHS

Sen. Win: Mas maraming estudyante kaya na i-accommodate ng PSHS

245 Views

TINIYAK ni Sen. Win Gatchalian na wala nang kwalipikadong mag-aaral ang mapagkakaitan ng pagkakataong makapag-aral sa Philippine Science High School (PSHS) sa ilalim ng Expanded PSHS System Act na nilagdaan kamakailan.

Sa ilalim ng bagong batas, magtatayo ng hindi bababa sa dalawang PSHS campus sa bawat rehiyon upang mapalawak ang oportunidad ng mga estudyante na makamit ang dekalidad na edukasyon sa agham at matematika.

Batay sa Year Two Report ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), 5,807 na kwalipikadong estudyante ang hindi nakapasok sa PSHS dahil sa kakulangan ng slots.

Co-author at co-sponsor ng batas si Gatchalian, na nagtakda rin na ang mga campus ay ilalagay sa ilalim ng supervision ng Department of Science and Technology (DOST). Itinakda rin na ang mga campus sa parehong rehiyon ay hindi maaaring itayo sa iisang lungsod o probinsya upang masiguro ang pantay na access.

“Ngayong makakapagpatayo na tayo ng mas maraming PSHS campuses, maaabot na natin ang mas maraming mag-aaral na nangangarap makatanggap ng kalidad na edukasyon sa science, technology, engineering at math o STEM,” sabi ni Gatchalian, Vice Chairperson ng Senate Committee on Basic Education.

“Mahalagang hakbang ito upang hubugin ang susunod na henerasyon ng mga STEM professionals na magsusulong ng inobasyon sa ating bansa,” dagdag pa niya.