BOC

BOC, DOJ tinulisa sa kawalan ng kaso vs agri smugglers

303 Views

TINULIGSA ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang Bureau of Customs (BOC) at Department of Justice (DOJ) sa pagdinig ng Senado kamakailan dahil sa patuloy na pagkakawala ng mga kaso laban sa malalaking smuggler ng produktong agrikultural.

“Kung apat lang (na kaso) ang nafa-file sa court sa loob ng halos limang taon eh ‘di untouchable itong mga smuggler,” ayon kay Pangilinan.

Batay sa ulat ng DOJ, mula 2021 hanggang 2025, 132 kaso ng agricultural smuggling ang isinumite sa kagawaran, subalit 74 sa mga ito o 56% ang na-dismiss, 36 ang naisampa ngunit kalaunan ay na-dismiss din, 12 ang in-archive o ibinalik sa BOC, at apat lang ang nakatakdang isampa.

“Maliwanag sa record na ito, meron talagang untouchable,” aniya. “Milyong-milyong piso halaga ang nakukumpiska taon-taon pero ni minsan walang nasasampahan ng non-bailable offense,” dagdag niya, kaugnay ng Republic Act No. 12022 o Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, kung saan ang smuggling na may halagang P10 milyon pataas ay itinuturing na non-bailable offense.

Tinukoy rin ni Pangilinan na maraming kaso ang ibinasura dahil kulang o hindi orihinal ang mga dokumento mula sa BOC. “Any lawyer would know (that) you cannot submit Xerox copies of documents and hope to present it in court,” ani Pangilinan. “Pag wala kayong documentary evidence, wala kayong conviction, dismiss ang kaso.”

Bilang chairperson ng Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform, inatasan niya ang DOJ at BOC na isumite sa komite ang pangalan ng mga abogado at personnel na responsable sa mga kasong ito. “Ang accountability ay nagsisimula sa mga humahawak ng ebidensya,” ani Pangilinan.

Sa kanyang pambungad na pahayag, tiniyak ng senador na kanyang hahabulin hindi lang ang mga smuggler kundi pati ang mga opisyal ng gobyerno na sangkot sa operasyon. “Sila ang nararapat at dapat habulin—hindi itong maliliit na kinakasangkapan lamang,” aniya. “Ang mga pinuno ng sindikato, lalo na ang mga nasa gobyerno, sila ang dapat managot.”

Binigyang-diin pa ni Pangilinan ang kahalagahan ng mabilis at tiyak na pagpapatupad ng hustisya. “At tandaan natin — hindi sa bigat ng parusa nasusukat ang hustisya, kundi sa bilis at katiyakan ng pagpataw nito,” aniya. “Ang batas, gaano man katindi, ay magiging walang saysay kung hindi ito agad ipinapatupad.”