Cayetano

ICI hinimok na maging transparent

250 Views

HINIMOK ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang Independent Commission on Infrastructure (ICI) na maging bukas at tapat sa publiko habang iniimbestigahan ang mga proyektong pang-imprastruktura na nagdulot ng kawalan ng tiwala sa gobyerno.

Kasunod ito ng pahayag ng ICI na hindi sila magla-livestream ng pagdinig upang maiwasan umano ang “trial by publicity.” Tanong ni Cayetano kung anong mga konkretong hakbang sa transparency ang maaaring ialok ng ICI upang maipaliwanag sa publiko ang proseso mula umpisa hanggang dulo, hindi lamang ang mga magiging konklusyon.

Bagaman naniniwala siya sa mga taong bumubuo sa komisyon, iginiit ni Cayetano na dapat pang patatagin ang istruktura nito—sa batas at sa pagpapatupad—upang masigurong may kredibilidad at pagiging patas. Iminungkahi rin niyang isama ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang sektor ng pananampalataya upang higit na mapalawak ang tiwala ng publiko.

Babala niya, kung kulang sa transparency, mananatiling malakas ang puwersa ng katiwalian upang maghasik ng pagkakawatak-watak. Aniya, dapat maglatag ng malinaw na direksyon at makatarungang proseso ang ICI at ang Blue Ribbon Committee ng Senado upang muling mabuo ang tiwala ng taumbayan.

Sa hiwalay na panayam, sinabi ni Cayetano na “national transformation,” hindi kudeta o panibagong People Power, ang kailangan sa gitna ng isyu sa flood-control projects. Binanggit niya ang laki ng pondo at ang kawalan ng katiyakan sa pananagutan bilang dahilan ng lumalalang public distrust.

Ipinunto rin niya—bilang ideya—ang isang “national reset” sa pamamagitan ng sabayang pagbibitiw ng lahat ng halal na pambansang opisyal, at sinabing ang kolektibong pagsasakripisyo, kung sama-sama, ay makatutulong sa pagbabalik ng tiwala at sa mas mabilis na pag-usad ng mga kaso kapag wala na sa puwesto ang mga dawit. Nilinaw niyang walang mangyayari kung iisa lang ang magbibitiw.

Binigyang-diin din ni Cayetano ang pangangailangang baguhin ang “values at kultura,” at iginiit na mas maayos ang laban kontra korapsyon sa mga lipunang mahigpit sa pandaraya at pagsisinungaling, kahit sa maliliit na paglabag.