Magsino

Ex-party list solon nababahala sa Pinoy seafarers

Mar Rodriguez Oct 12, 2025
334 Views

NABABAHALA ang OFW Party List Group kaugnay sa Pilipinong tripulante na malubhang nasugatan sa pag-atake ng mga Houthi rebels sa cargo vessel na MV Minervagracht sa Houthi sa Gulf of Aden.

Muling nananawagan si dating OFW Party List representative Marissa “Del Mar” Magsino sa Department of Migrant Workers (DMW) upang magbalangkas ang ahensiya ng mga hakbang na magbibigay ng proteksiyon sa mga Pinoy na tripulante.

Ipinaalala ni Magsino na noong 19th Congress puspusan ang pagsusulong niya ng mga panukalang batas para mabigyan ng proteksiyon at mapangalagaan ang mga Filipino seafarers laban sa pang-aabuso ng kanilang mga employer.

Sinabi ng dating congresswoman na ikinalulungkot niya na sa mga ganitong pangyayari ay laging ang mga Pilipinong tripulante ang biktima gayong ang hangarin lamang ng mga ito ay mabigyan ng magandang buhay ang kanilang pamily sa Pilipinas.

Nananawagan si Magsino sa DMW na magpadala ng nararapat na tulong para sa nasawing Pinoy seaman kabilang na ang pinansiyal na tulong para sa mga naulila nito.

Nananawagan din si Magsino para sa pamilya ng mga OFWs na naapektuhan ng malakas na lindol sa iba’t-ibang lalawigan na manatiling kalmado at hangga’t maaari ay makipag-ugnayan sa DMW Regional Office para sa pagpapadala ng tulong sa kanila.