Influenza

Mala-influenza na sakit laganap na sa Cavite

Dennis Abrina Oct 17, 2025
796 Views

TRECE MARTIRES CITY–Tumataas ang bilang ng may sakit na parang influenza sa Cavite base sa data na inilabas ng Cavite Provincial Health Office noong October 15.

Ayon kay Dr. Nelson Soriano, ng Provincial Health Office, 2,828 kaso ng sakit na may pangalang ILI ang nairekord sa Cavite mula pa noong October 12.

Pero mas mababa ng bilang ng 36.4% kumpara noong 2024 na umabot sa 4,449 na kaso.

Ang limang lugar sa Cavite na laganap ang nasabing sakit ang Gen. Trias, 424 na kaso; Tagaytay, 481; Ternate, 313; Silang 252; at Mendez, 210.

Sinuspinde na ni Gov. Abeng Remulla ang face-to-face classes sa buong lalawigan sa lahat ng private at public schools.

“This step is a proactive effort to protect the health and safety of every Caviteño,” sabi ng gobernador.

Samantala pinabulaanan ni Health Secretary Ted Herbosa ang kumakalat na balita na magkakaroon ng lockdown sa ilang siyudad dahil sa naka-ambang na outbreak ng nasabing sakit at dahil na rin sa seasonal respiratory illnesses.

Sinabi rin ni Herbosa na walang naitalang outbreak. Ipinaliwanag niya na nagkataon lamang na maraming kaso ng influenza-like illnesses .

Ang mga kaso ay mabilis na kumalat lalo na kapag tag-ulan.

Nagpayo rin si Herbosa na magsuot ng face mask kapag inuubo o sinisipon.

Sinabihan niya rin ang mga may trangkaso na manatili na muna sa bahay upang hindi makahawa ng iba.