Saksak

Babae tinadtad ng saksak ng ex-kalive-in, patay: kasamang lalaki malubha

Edd Reyes Oct 17, 2025
272 Views

TINADTAD ng saksak ng lasing na kelot ang dati niyang kalive-in at ang kasama nitong lalaki habang naglalakad papauwi ang mga biktima Huwebes ng gabi sa Lumban, Laguna.

Patay na ang ginang nang idating sa Unson Hospital sa Pagsanjan, Laguna, habang kritikal ang kasama nitong lalaki na inilipat sa Laguna Medical Center sa Sta. Cruz bunga ng malubhang tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Tinutugis na ng mga tauhan ng Lumban Municipal Police Station ang suspek na kaagad tumakas dala ang ginamit na patalim patungo sa hindi nabatid na lugar.

Batay sa inisyal na ulat ng Laguna Police Provincial Office, naganap ang insidente ng pagpaslang dakong alas-11:30 ng gabi sa Magano Street, Barangay Maytalang 1, Lumban, habang papauwi na ang mga biktima.

Ayon sa isang testigo, lasing umano ang suspek at pagala-gala sa naturang lugar nang makitang naglalakad ang mga biktima na kaagad hinarang at walang patumanggang pinagsasaksak ang babae.

Tinangkang umawat ng kasama nitong lalaki kaya’t pinagsasaksak din siya ng suspek bago mabilis na tumakas.

Sinabi naman ng isa pang testigo na matagal ng may alitan ang suspek at ang ginang na nagsimula sa kanilang personal na problema.