senado

Senado inudyok tugunan lumalalang krisis sa kalusugang pangkaisipan

282 Views

NANAWAGAN si Senador Camille Villar ng agarang aksyon mula sa Senado upang tugunan ang lumalalang krisis sa kalusugang pangkaisipan sa bansa, na tinawag niyang isang “silent crisis” na hindi na maaaring balewalain.

Sa pamamagitan ng Proposed Senate Resolution No. 99, iminungkahi ni Villar ang isang imbestigasyon na magtitipon sa mga ahensya ng gobyerno, eksperto, at iba pang stakeholders upang tukuyin ang mga kakulangan sa pagpapatupad ng umiiral na batas sa mental health, at palawakin ang abot-kayang serbisyo sa mga komunidad.

“Napapanahon na para pagtuunan natin ng pansin ang mental health crisis sa bansa. Hindi ito nakikita kaagad, pero ramdam ito sa bawat komunidad,” ani Villar.

Bilang pinakabatang senador ng ika-20 Kongreso at kasalukuyang Chair ng Committee on Economic Affairs at Committee on Environment, binigyang-diin ni Villar ang datos mula sa pamahalaan na nagpapakita ng pagtaas ng kaso ng depresyon, anxiety, at suicide, partikular sa kabataan at mga komunidad na kapos sa access sa serbisyong medikal.

Tinukoy ng senadora na bagama’t naisabatas na ang Mental Health Act (Republic Act No. 11036) noong 2018, nananatiling hindi pantay-pantay ang pagpapatupad nito, lalo na sa mga liblib at malalayong lugar.

Layunin ng imbestigasyon na suriin ang kasalukuyang mga programa ng DOH, DepEd, DSWD, at mga lokal na pamahalaan, at bumuo ng mga solusyong nakabatay sa datos upang mapawi ang stigma, mapalakas ang maagang pagkilala sa sintomas, at matiyak ang tuloy-tuloy na gamutan.

“This is not just a health issue. This is an economic and social issue as well. If we ignore it, the long-term consequences will be far-reaching,” babala ni Villar.

Iminungkahi rin ng senadora na maisama ang mental health services sa pangunahing serbisyong medikal sa mga barangay at sanayin ang mas maraming mental health professionals sa bansa.

Bilang pagtatapos, iginiit ni Villar na mahalagang harapin ang krisis upang mapanatili ang katatagan at kabuuang kalusugan ng mga Pilipino.