Nazal

Nazal suportado SEC na di obligahin MSMEs magsumite ng audited financial statements

535 Views

ISANG mambabatas ang nagpahayag noong Miyerkules ng kanyang suporta sa panukala ng Securities and Exchange Commission (SEC) na huwag obligahin ang mga micro, small at medium enterprises (MSMEs) na magsumite ng audited financial statements, dahil makatutulong umano ito upang mapababa ang gastos at mapalago ang kanilang mga negosyo.

Sa ilalim ng panukalang ito ng SEC, ang mga korporasyong may kabuuang asset o liability na hindi lalampas sa ₱3 milyon ay kinakailangang magsumite lamang ng taunang financial statement na pinatunayan sa ilalim ng panunumpa ng kanilang treasurer o chief financial officer, sa halip na dumaan sa magastos na independent audit.

Tinawag ni BH Party-list Rep. Robert Nazal ang panukala bilang isang “game changer” para sa mga maliliit na negosyong matagal nang nahihirapan sa mga hindi kailangang gastos sa pagsunod sa mga regulasyon.

“Maraming maliliit na negosyo ang gustong magparehistro pero hirap sa gastos ng audit. Makakatulong ito upang makapagtipid sila, mapadali ang proseso, at mas mapagtutunan ang pagpapatakbo ng kanilang negosyo,” ani Nazal.

“Ito ang uri ng matalinong regulasyon na kailangan ng ating MSMEs — mas kaunting red tape, mas maraming paglago,” dagdag pa niya.

Hinimok din ni Nazal ang Department of Finance (DOF) na agad aprubahan ang patakaran, dahil ito ay tumutugma sa adhikain ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gawing mas madali ang pagnenegosyo at isulong ang inklusibong pagbangon ng ekonomiya.

Ayon kay dating BH Rep. Bernadette Herrera, na matagal nang tagapagtaguyod ng mga MSME, ipinapakita ng hakbang na ito ang “pagmamalasakit at praktikal na pag-iisip.”

“Ang mga MSME ang gulugod ng ating ekonomiya ngunit pareho ang pasaning pinapasan nila tulad ng malalaking korporasyon,” sabi ni Herrera.

“Ang pagpapagaan ng mga rekisito ay hindi pagpapababa ng pamantayan, kundi pagbibigay ng patas na pagkakataon at tulong para umunlad ang mga negosyante,” dagdag pa niya.

Iminungkahi rin ni Herrera na makipag-ugnayan ang SEC at DOF sa Department of Trade and Industry (DTI) upang matiyak na maipapaabot nang maayos sa mga negosyante — lalo na sa mga probinsya — ang bagong threshold at mga rekisito sa sertipikasyon.

Sinabi naman ni Nazal na patuloy na isusulong ng BH Party-list ang mga reporma para mapadali ang rehistro, pagbubuwis, at pagpopondo ng mga maliliit na negosyo.

“Bawat pisong matitipid sa compliance ay pisong magagamit para sa pagkuha ng empleyado o pagpapalawak ng negosyo. Iyan ang tunay na inklusibong paglago,” aniya.

Ang panukalang ito ng SEC, kapag naaprubahan, ay ipatutupad para sa mga fiscal year na magtatapos sa o pagkatapos ng Disyembre 31, 2025.