Bataan1 Iniaabot nina Gov. Joet Garcia (gitna) at Cong. Tony Roman ang ayuda sa mga naapektuhan ng bagyo sa Bataan.

Bataan Uwan victims nakakuha ng ayuda

Christian Supnad Nov 11, 2025
470 Views

ORANI, Bataan–Namahagi ng mga relief packs noong Martes ang Bataan provincial government sa pangunguna ni Gov. Joet Garcia at Congressman Tony Roman.

Binigyang prayoridad ang mga nasa evacuation centers.

“Salamat po sa inyong pakikiisa at maagap na pagtugon sa mga paalala para sa kaligtasan ng bawat pamilya,” sabi ni Cong. Roman.

Nagtungo si Gov. Garcia sa mga evacuation centers sa iba’t-ibang bayan ng Bataan upang alamin ang kalagayan ng mga kababayan nilang lumikas dahil sa bagyong Uwan.

Kasama ang mga lokal na opisyal at kawani ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), namahagi ng mga food packs sa mga evacuees ang mga pulitiko.

“Taos-pusong pasasalamat po sa lahat ng frontliners, volunteers at mga opisyal ng bayan na walang sawang nagsisilbi at nag-aalaga sa ating mga evacuees.

Sa panahon ng pagsubok, muli nating ipinakikita ang diwa ng pagkakaisa, malasakit at bayanihan dito sa Bataan,” pahayag ni Gov. Garcia.

Kasama rin si ex-Congwoman Geraldine Roman sa pamamahagi ng tulong sa mga apektadong residente.

Sa Abucay, nakasama si Mayor Erik Martel sa pagbisita sa mga evacuees sa Brgy. Salian kung saan dumating si Gov. Garcia upang magbigay ng karagdagang tulong.