Laurel

PCIC naglaan ng P251M sa crop insurance

Cory Martinez Nov 11, 2025
488 Views

UMAABOT sa P251 milyon ang inilaan ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) na pambayad sa mga naka-insure na mga magsasaka mula sa pagkalugi sa kanilang pananim na winasak ng bagyong Tino.

Sa ulat kay Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel, Jr., sinabi ni PCIC President Jovy Bernabe na naglunsad sila ng assessment noong Nob. 4 hanggang 7 sa mga naka-insured na mga taniman sa Regions IV-A at IV-B hanggang Caraga.

Natuklasan sa assessment na may 32,247 na insured na mga magsasaka ang naapektuhan ng bagyo.

Halos one third ng mga apektadong magsasaka o 10,352 na mga indibidwal mula sa Region VIII (Eastern Visayas).

“Ang kabuuang bayad sa insurance ay tinayang nasa P250.6 million,” ulat ni Bernabe.

Nagkakahalaga ng P56.7 million ang napinsala sa palay, P42.3 million sa mais at P74.3 mlion sa high value crops.

Idinagdag ni Bernabe na inatasan na ang PCIC staff na ipagpatuloy ang pag-alalay sa mga apektadong magsasaka at bilisan ang proseso sa kanilang claims.

Ang bulto ng naka-insured na napinsala, na nagkakahalaga ng P169.9 million, ay in-assesed sa Central Visayas (Region VII), Negros Island Region, at Eastern Visayas.

Sinabi naman ni Tiu Laurel na bahagi ng malawak na recovery efforts ng ahensya ang mabilis na assessment ng PCIC kasama dito ang pamamahagi ng inputs tulad ng nga binhi, fingerlings at feeds upang tulungan ang mga magsasaka na mabilis na makabangon.

“Ginagawa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang lahat upang mapagaan ang pasanin ng mga biktima ng bagyong Tino, lalo na ang ating mga magsasaka at mangingisda,” ani Tiu Laurel.