Rice

Sulu inabot na ng P20/kilo rice

Cory Martinez Nov 13, 2025
179 Views

MAKAKABILI na rin ng P20 kada kilo ng bigas ang mga residente ng Jolo, Sulu matapos ilunsad ng Department of Agriculture ang programa sa probinsiya.

Pinangunahan ni Vice Governor Abdusakur M. Tan ang paglulunsad ng programa kasama si Vener Dilig, officer-in-charge ng DA Regional Field Office IX, na siyang naghatid ng mensahe ni Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr.

Inaasahang magbebenepisyo ang may 3,000 residente sa P20 kada kilo na bigas na direktang binili mula sa mga magsasaka.

Sa mensahe ni Tiu Laurel, sinabi nito na ipinapakita ng naturang rollout ang pangako ng pamahalaan na ilapit ang serbisyo sa mga tao.

“This is a clear fulfillment of President Marcos’ campaign promise to put affordable food on every Filipino’s table,” sabi ni Tiu Laurel.

Ayon sa kalihim, nakarating na sa 81 na probinsiya sa buong bansa ang naturang programa na nagsimula lamang sa 13 probinsiya nitong taon.

Batay sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., magtutuloy ang P20 rice initiative hanggang sa katapusan ng kanyang termino sa Hunyo 2028.

Bukod sa makakatipid ang mga pamilya, binigyang-diin ni Tiu Laurel na ang Benteng Bigas, Meron Na! ay para sa mga magsasaka din dahil sinisiguro nito ang panatag at fair market para sa kanilang ani sa pamamagitan ng National Food Authority.

“Each grain of rice sold at P20 carries the labor and hope of our farmers—those who wake before dawn to feed the nation,” ani Tiu Laurel.