Budget

SP pinagtibay reso na itinuturing na pasado budget ng bgy, SK na di naaksyunan sa loob ng 60 araw

Edd Reyes Nov 14, 2025
263 Views

PINAGTIBAY ng Sangguniang Panlungsod ng Maynila sa pangunguna ni Vice Mayor Chi Atienza ang resolusyon na magtuturing na pasado na ang budget ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK) kapag hindi pa naaksiyunan sa loob ng 60-araw.

Tinalakay ang naturang resolusyon na inakda nina Konsehal Erika Platon at Juliana Rae Ibay sa ika-34th na regular na sesyon na pinamunuan ni VM Atienza na layong hindi maparalisa ang operasyon ng may 896 na barangay at SK ng dahil lamang sa pagka-antala na maaprobahan ang budget.

Nakabatay ang pagpapasa ng resolusyon sa ilalim ng probisyon ng Section 333 ng R.A. 7160 o ng Local Government Code na nagsasaad na kapag hindi naaksiyunan ng Sanggunian ang ordinansang naglalaan ng budget ng barangay sa loob ng 60-araw, ikokonsidera na itong isa ng batas na puwede ng ipatupad.

“Ang budget ng barangay at Sangguniang Kabataan ay mahalaga sa sandigan ng kanilang pang-araw-araw na paglilingkod. Mula sa peace and order, waste management, health services, sports program, livelihood assistance, hanggang sa ibang programa para sa kabataan at komunidad,” pahayag ni Councilor Platon sa pagdepensa sa resolusyon.

“May this resolution not just be a legal affirmation but a moral one. A reminder that when local governments work in sync, when we plan together, move together, and act together, the load becomes a little lighter to carry for everyone,” pahayag naman ni Councilor Ibay.