Lacson1

Lacson: Pahayag ni Zaldy Co taliwas sa aktuwal NEP proseso

282 Views

ISANG MALAKING KWESTIYON ang tugon ni Senator Panfilo “Ping” Lacson sa viral video ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co na nag-aakusa kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating House Speaker Martin Romualdez na umano’y nag-utos ng ₱100-bilyong budget insertion sa bicameral conference para sa 2025 national budget.

Si Lacson, na kilala bilang tagabantay ng pera ng bayan at simula’t saput na tumutuligsa sa isyu ng pork barrel at budget insertions, ay nagsabing taliwas sa aktuwal na proseso ng National Expenditure Program (NEP) ang sinasabi ni Co. Ayon sa kanya, ang Pangulong Marcos Jr. ang may buong kapangyarihan sa paglalagay ng anumang halaga sa NEP bago pa ito makarating sa Kongreso.

Sa kanyang reaksyon, sinabi ni Lacson: “I’m not defending the President. Why would he insert ₱100B sa BICAM samantalang sa NEP kaya niyang gawin ‘yan? Parang hindi magtugma.”

Dagdag niya, hindi tugma sa takbo ng budget process ang kronolohiyang inilalahad sa video. “Ito na yung sabihin natin common sense only because alam ko yung budgeting process na nagsisimula sa NEP na Presidente may complete control over what should be inserted in the NEP.”

Binigyang-diin din ni Lacson na may mga probisyon sa budget na vetoed ng Pangulo at ang iba naman ay na-classify bilang FLR o For Later Release—isang kategorya ng DBM kung saan hindi muna maaaring i-release ang pondo hangga’t hindi natutugunan ng ahensya ang mga rekisito o isyu sa compliance. “Second, bakit niya vetoed? Bakit niya in-FLR? … Assuming na totoong nagpa-insert sa BICAM, bakit niya i-v-i-veto?”

Kasabay nito, hinamon ni Senator Sherwin Gatchalian si Co na humarap nang personal sa Senado at hindi puro video habang nasa abroad. Aniya: “Harapin mo itong mga tanong, pumunta ka dito sa hearing at harapin mo ang mga accusation sa iyo. Hindi ang nagtatago pa tapos gagawa ka ng video tapos ano-ano ang sinasabi mo. I think physical presence yan ang pinaka-importante na magbibindicate sa iyo.”

Binigyang-diin ni Gatchalian na mabigat ang mga pahayag ni Co at kailangan itong busisiin. “So marami pang katanungan. But definitely kung anuman ang sinasabi niya, mabigat ang kanyang sinasabi. Kaya dapat talagang kilatisin mabuti ang kanyang sinasabi at also legalidad ng kanyang sinasabi dahil nasa abroad siya.” Dagdag pa niya:

“Mayroon siyang sinabi na P100B, i-validate rin natin. Marami things to validate.”

Mariing itinanggi ng Malacañang ang mga paratang, na tinawag nilang walang basehan. Inaasahan namang rerepasuhin ng Senado ang video upang malaman kung dapat imbitahan o padalhan ng written interrogatories si Co.

Sinabi ni Lacson na anumang bagong alegasyon ay isasama sa mas malawak na imbestigasyon sa umano’y anomalya sa flood-control funds at questionable appropriations.