Rosal Beteranang aktres at PRC Governor Rosa Rosal Source: Philippine Red Cross

Rosa Rosal, 97, pumanaw na

Arlene Rivera Nov 15, 2025
388 Views

INANUNSIYO ng Philippine Red Cross (PRC) nitong Sabado ang pagpanaw ng beteranang aktres at PRC governor na si Rosa Rosal sa edad na 97 taong gulang.

Ipinabatid ng PRC ang kanyang pagpanaw sa isang Facebook post.

“With deepest sadness, the Philippine Red Cross announces the passing of Governor Rosa Rosal,” pahayag ng PRC.

“For over 7 decades, Gov. Rosal devoted her life to the service of the Red Cross. She championed voluntary blood donation across the country, strengthened PRC’s welfare services, and used every platform she had to promote compassion, volunteerism, and the protection of the most vulnerable,” dagdag ng post.

Nag-iiwan si Rosal ng pamana ng tunay na paglilingkod, dignidad at pagmamahal sa sangkatauhan ― isang legacy na patuloy na gagabay sa PRC at magbibigay-inspirasyon sa mga susunod na henerasyon ng volunteers.

Sinabi ng PRC na ibabahagi ang detalye ng burol kapag naayos na ang mga paghahanda.

Ipinanganak sa Maynila noong Oktubre 16, 1928, si Rosal (Florence Lansang Danon sa totoong buhay) ay naging isa sa mga pinaka-maimpluwensiyang tagapagtaguyod ng boluntaryong pagbibigay ng dugo sa bansa at tumulong sa pagpapalawak ng welfare services ng PRC para sa mga bulnerableng komunidad.

Bago siya tuluyang lumipat sa humanitarian work, si Rosal ay isa sa mga kinikilalang aktres ng Golden Age of Philippine Cinema.

Noong 1999, tumanggap si Rosal ng Ramon Magsaysay Award for public service. Noong 2010, kinilala rin siya bilang pinaka-pinagkakatiwalaang personalidad sa Pilipinas ng Reader’s Digest.