Huli

May boga habang nagka-cara y cruz, hinuli

Edd Reyes Nov 15, 2025
438 Views

TIKLO ang 25-anyos na lalaki na may baril habang nagsusugal ng cara y’ cruz noong Sabado sa Valenzuela City.

Dinakma ng mga tauhan ni P/Capt. Joan De Leon, hepe ng Valenzuela Police Sub-Station 9, si alyas Robert ng maispatan ang nakasukbit na baril sa baywang habang nagsusugal dakong ala-1:00 ng madaling araw sa Padrigal St. Area 6, Brgy. Karuhatan.

Nagpulasan ang mga kalalakihang nagsusugal nang matunugan ang papalapit na mga pulis pero hindi nakaligtas si alyas Robert at ang lolong si alyas Rico Jr., 60.

Nakumpiska kay alyas Robert ang isang kalibre .38 revolver, tatlong bala habang nakuha rin sa lugar ang tatlong barya na pangara at bet money na P340.