PNP

Nartatez sa PNP: Maximum tolerance sa 3 araw na rally

Alfred Dalizon Nov 16, 2025
308 Views

TINIYAK ni acting Philippine National Police (PNP) Chief Lt. Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. nitong Linggo na mahigpit nilang susundin ang maximum tolerance sa pagbibigay-seguridad sa tatlong araw na anti-corruption rallies sa Manila at Quezon City.

Sa isang pahayag, kinilala ng hepe ng PNP ang dedikasyon, pagsisikap at sakripisyo ng mga pulis nitong mga nakaraang linggo.

Binanggit niya ang kanilang malawakang disaster response matapos ang malalakas na lindol at mapaminsalang bagyo, at sinabing ang presensiya ng mga pulis sa mga nakaraang kalamidad ay naging “a source of hope” para sa mga apektadong komunidad.

Ngunit sa harap ng panibagong hamon ― na ngayon ay may kaugnayan sa usapin ng propesyonalismo at integridad ― binigyang-diin ni Nartatez na dapat tandaan ng mga pulis ang core values ng institusyon.

“We have no business using our power and authority to intimidate and hurt the civilians we vowed to serve and protect. That is not what we are trained for ― and that is not who we are as proud members of the Philippine National Police,” aniya.

Nakipagpulong ang PNP chief at mga matataas na opisyal kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor C. Remulla noong Sabado upang ipresenta ang kanilang huling paghahanda para sa seguridad bago ang tatlong araw na pagtitipon sa Metro Manila.

Nakita ni Remulla ang masusing deployment at contingency plans ng PNP, at binigyang-diin ang kahalagahan ng mahigpit na koordinasyon sa pagitan ng mga ahensiya.

Ipinabatid din niya ang direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa lahat ng law enforcement units na magpatupad ng maximum tolerance habang iginagalang ang konstitusyonal na karapatan sa mapayapang pagtitipon.

Hinimok ni Remulla ang pamunuan ng PNP na tiyakin na ang lahat ng tauhan ay handa ― physically, mentally at logistically. Inatasan din niya ang mahigpit na koordinasyon sa Philippine Red Cross, Department of Social Welfare and Development at Department of Health, at iniutos na ang lahat ng medical teams, triage areas, doktor at nurse ay naka-standby sa buong tatlong araw na aktibidad.

Upang mapalakas ang transparency at accountability, iniutos ni Remulla na gumamit ng body-worn cameras ang mga pulis, upang maiwasan ang walang basehang paratang gaya ng mga nakaraang insidente sa crowd dispersals.

Pinangungunahan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa ilalim ni Major Gen. Anthony A. Aberin ang paghahanda para sa seguridad ng mga rally.

Inatasan din ni Nartatez ang PNP Highway Patrol Group na pinamumunuan ni Brig. Gen. Hansel M. Marantan na panatilihin ang mahigpit na koordinasyon sa mga katuwang na ahensiya, naka-standby ang lahat ng HPG personnel, at may tow trucks at quick-response teams na handang kumilos.

Iginiit ni Nartatez na ang paggamit ng puwersa ng pulis ay dapat huling opsyon lamang, at para lamang kapag may mga indibidwal na “twist the concept of freedom of expression by resorting to violence.”

Ipinaliwanag din niya ang papel ng pulisya sa isang demokratikong lipunan. “We in the Philippine National Police are not the savior of this country, rather, we are the protector of the Philippines, its people, its laws, and all the democratic institutions it represents,” aniya.

Hinimok ni Nartatez ang kapulisan na gawing aral ang anumang pagkadismaya upang makatulong sa pagpapabuti ng bansa, at binigyang-diin ang tungkulin na igalang ang mga awtoridad, panatilihin ang Konstitusyon, at paglingkuran at protektahan ang sambayanang Pilipino.

Samantala, naka-maximum alert na rin ang Armed Forces of the Philippines (AFP) nitong Linggo upang tumulong sa pulisya sakaling magkaroon ng biglaang insidente sa mga rally.

Ayon kay Col. Francel Padilla, tagapagsalita ng AFP, bukod sa ito’y naka-standby upang tumulong sa PNP sa pagpapanatili ng seguridad, sinasala rin ng kanilang intelligence officers ang mga ulat na may dating opisyal ng militar na sangkot sa planong guluhin ang administrasyong Marcos Jr.

“Ang AFP has evolved to be a professional, disciplined, and non-partisan na institusyon. Lagi nating inuuna ay ang ating Konstitusyon at taumbayan at hindi ang any political agenda. Hindi kami nagpapatinag dito sa gulo at ingay ng pulitika,” aniya sa isang panayam sa radyo.

Bandang alas-8 ng umaga nitong Linggo, tinatayang 14,000 katao na ang nagtipon sa Quirino Grandstand sa Rizal Park, Manila.

“Our duty is to protect ― protect the rights of our people, and protect the peace we all work hard to preserve. The PNP will be firm, calm, and transparent throughout the event,” ani Nartatez.

Pinagtibay ni Brig. Gen. Randulf T. Tuaño, tagapagsalita ng PNP, ang pangako ng PNP na mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan sa pamamagitan ng disiplinadong pagpapatupad ng batas.

“The public will see a police force that is prepared, coordinated, and deeply respectful of the people’s right to express themselves. We stand ready to ensure the peaceful and orderly conduct of these assemblies,” aniya.

Naka-full alert ang buong PNP simula alas-5 ng hapon noong Biyernes upang matiyak na ang lahat ng yunit ay may sapat na tauhan, kagamitan at kahandaan. Nagsimula ang paunang deployment noong Sabado at kumpleto ang puwersa sa simula ng mga aktibidad.

Nakaposisyon ang mga pulis sa mga estratehikong lugar sa Metro Manila, na suportado ng mga yunit mula sa iba’t ibang rehiyon, ani Nartatez. Dagdag niya, nirerespeto nila ang karapatan ng madla sa mapayapang pagtitipon.

“In return, we ask everyone to observe safety reminders, cooperate with our officers on the ground, and help keep the environment calm and orderly. The Philippine National Police remains vigilant, steady, and fully ready to protect every Filipino during this major event. Kami ay nakahanda at naninindigan sa aming tungkulin na patuloy na pangangalagaan ang kaligtasan at kapayapaan ng bawat Pilipino,” saad niya.

Kabuuang 16,664 pulis mula sa NCRPO, national support units at iba’t ibang Police Regional Offices ang itinalaga upang magbigay seguridad sa mga pangunahing lugar.

Inaasahang dadagsa ang malaking bilang ng tao sa People Power Monument at EDSA Shrine para sa United Peoples Initiatives na inaasahang aabot sa 300,000 kalahok, at sa Quirino Grandstand na inaasahang magtitipon ng humigit-kumulang 100,000 katao kada araw para sa religious activity.

Kabilang sa iba pang pangunahing lugar ang Liwasang Bonifacio, ICI Grounds, Senado, House of Representatives, US Embassy, Ayala Bridge, at mga pangunahing kalsada sa Manila at Quezon City.

Upang masakop ang mga lugar na ito, nakaposisyon ang mga pulis sa Quezon City, Manila, Pasay at mga pangunahing road networks, kabilang ang mga gusali ng pamahalaan, control points at high-density routes patungo sa mga rally site.

May karagdagang yunit para sa intelligence monitoring, logistical support, emergency response at seaborne patrols.